Diskurso PH
Translate the website into your language:

Sara Duterte tinanong si Renee Co kung kamag-anak ni Zaldy Co

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-09-16 18:59:48 Sara Duterte tinanong si Renee Co kung kamag-anak ni Zaldy Co

MANILA — Tinawag ni Kabataan party-list Representative Renee “Renee” Co na “nonsense” ang tanong ni Vice President Sara Duterte kung siya ay kaanak ni Ako Bicol Rep. Elizaldy Co, sa gitna ng budget hearing para sa Office of the Vice President (OVP) sa Kamara.

Sa nasabing pagdinig ng House Committee on Appropriations, bago pa man makapagtanong si Rep. Co tungkol sa paggamit ng confidential funds ng OVP, humiling si VP Duterte ng pagkakataong magtanong. “Madam Chair, may I be allowed to ask a question?” ani Duterte. “Magpinsan po ba si Congressman Co ngayon at saka si Zaldy Co? Are they relatives?”

Agad namang tumugon si Rep. Co: “Mr. Chair, I can answer […] I have no familial relations po to Rep. Zaldy Co or any of their relatives po.”

Matapos ang pagdinig, binatikos ni Co ang tanong ni Duterte, na tinawag niyang isang “troll behavior” at taktika upang iwasan ang mga seryosong isyu. “Three years na, hindi mo pa rin maipaliwanag kung saan napunta ang P125 million na confidential funds. Galawang pusit. Puro intriga. Um-attend nga ng hearing, troll behavior naman,” ani Co.

Dagdag pa niya, “Tularan niya ang tatay niya, travel na lang siya abroad at huwag na bumalik. Di natin deserve ang VP na walang ginawa kundi magpasimuno ng fake news. Dapat ilipat ang pondo ng OVP sa mga SUCs at iba pang serbisyo kaysa magamit pa ’to sa unli-revenge travel ni Sara Duterte.”

Si Co ay isa sa dalawang mambabatas na nakapagtanong kay Duterte sa budget briefing, kung saan tinalakay ang paggamit ng confidential funds, mga biyahe sa ibang bansa, at iba pang isyung may kinalaman sa transparency ng OVP.

Samantala, ilang mambabatas at netizens ang nagpahayag ng pagkadismaya sa mabilis na pag-terminate ng hearing, na hindi umano nagbigay ng sapat na pagkakataon upang maungkat ang mga mahahalagang tanong. Patuloy ang panawagan ng ilang sektor para sa mas masusing imbestigasyon sa paggamit ng pondo ng OVP.