Diskurso PH
Translate the website into your language:

Sen. Pangilinan, ibinulgar ang modus ng sindikato sa agri-importasyon

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-09-16 16:09:31 Sen. Pangilinan, ibinulgar ang modus ng sindikato sa agri-importasyon

SETYEMBRE 16, 2025 — Isiniwalat ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang malawakang katiwalian sa likod ng agricultural smuggling sa bansa, matapos ang pagdinig ng Senate Committee on Agriculture, Food, and Agrarian Reform noong Setyembre 15.

Sa naturang pagdinig, tinutukan ng senador ang kaso ng 1024 Consumer Goods Trading, na umano’y sangkot sa pagpuslit ng frozen mackerel na nagkakahalaga ng ₱68 milyon. Ang produkto ay idineklara bilang chicken poppers na ₱40 milyon lamang ang halaga. 

Ayon sa senador, malinaw na may sabwatan sa pagitan ng mga importer, broker, at ilang tauhan ng Bureau of Customs (BOC).

Isa sa mga tinanong ay si broker Lujin Ramos Tenero, na tumangging pangalanan ang isang “Mr. Carlos” mula sa BOC. Si Carlos umano ang nag-utos sa kanya na pumirma sa import entry documents ng nasabing shipment.

“Very difficult to believe that he will deal with millions of pesos without knowing who he is dealing with,” ani Pangilinan. 

(Mahirap paniwalaang makikitungo siya sa milyun-milyong piso nang hindi alam kung sino ang kausap niya.)

“Obviously dummy itong si 1024,” dagdag pa ng senador, sabay bantang ikukulong si Tenero kung patuloy itong tatangging magbigay ng impormasyon.

Binigyan ng tatlong araw si Tenero upang magsumite ng paliwanag kung bakit hindi siya dapat ma-cite for contempt.

Binatikos din ni Pangilinan ang paggamit sa mga ordinaryong mamamayan bilang panangga ng mga sindikato. 

“Sa totoo lang, hindi naman maglalakas ang loob ng mga ito kung walang nasa likod nila na kumakamada. Kamadang sindikato ito, maliwanag,” aniya. 

Giit ng senador, hindi dapat ang maliliit ang parusahan kundi ang mga nasa likod ng operasyon. 

“Kinakailangan natin habulin at managot ang mga karapat-dapat managot,” dagdag niya.

Ibinunyag din sa pagdinig ang mga modus ng mga importer — gamit ang pekeng pangalan, expired na lisensya, at pagpapasa ng credentials ng mga lehitimong broker.

(Larawan: Kiko Pangilinan | Facebook)