VP Sara dumistansya sa isyu ng confi funds, dinahilan ang banta sa seguridad
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-09-16 17:30:23
SETYEMBRE 16, 2025 — Tumanggi si Bise Presidente Sara Duterte na sagutin ang mga tanong kaugnay sa paggamit ng P625 milyong confidential funds ng kanyang opisina, sa gitna ng kinakaharap niyang impeachment case. Ayon sa kanya, ang pagtalakay sa isyu ay maaaring makasagabal sa mga estratehiya ng depensa at makompromiso ang pambansang seguridad.
“This [confidential fund] is a subject of an impeachment proceedings. I cannot discuss defense and strategy because the prosecutors will come from the House of Representatives,” pahayag ni Duterte.
(Ang [confidential fund] ay bahagi ng impeachment proceedings. Hindi ko maaaring talakayin ang depensa at estratehiya dahil ang mga prosecutor ay magmumula sa House of Representatives.)
Ang tanong ay lumutang matapos kumpirmahin na may Notice of Disallowance mula sa Commission on Audit kaugnay sa naturang pondo. Hindi rin binanggit ni Duterte kung nag-apela ang kanyang opisina sa nasabing disallowance.
Noong Hulyo 25, idineklara ng Korte Suprema na labag sa Konstitusyon ang Articles of Impeachment laban kay Duterte, kasabay ng paglatag ng pitong bagong alituntunin sa paghahain ng impeachment sa Kamara. Hindi pa umiiral ang mga patakarang ito nang i-impeach siya noong Pebrero 5.
Bagamat in-archive ng Senado ang reklamo sa ilalim ng pamumuno ni dating Senate President Francis Escudero, iginiit ng Kamara sa Korte Suprema na dapat nitong baligtarin ang desisyon upang maipagpatuloy ang tungkulin nitong mag-usig sa mga impeachable officials.
Sa tanong kung sino ang nakinabang sa confidential funds, muling tumanggi si Duterte.
“I cannot discuss how intelligence operations are done without compromising national security,” aniya.
(Hindi ko maaaring talakayin kung paano isinasagawa ang intelligence operations nang hindi nalalagay sa alanganin ang pambansang seguridad.)
Kabilang sa mga paratang sa impeachment complaint ang sabwatan sa umano’y planong pagpatay kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Marcos, at Speaker Martin Romualdez; maling paggamit ng pondo; katiwalian sa DepEd; tagong yaman; at mga hakbang na umano’y nagdudulot ng kaguluhan sa bansa.
(Larawan: Office of the Vice President of the Philippines | Facebook)