WR Numero survey: Duterte bloc weakens as independents emerge as largest group
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-09-16 21:31:40
MANILA, Philippines — Patuloy na nagbabago ang political landscape sa bansa, batay sa pinakahuling survey ng WR Numero Public Opinion Monitor para Agosto 2025. Lumabas sa nationwide survey na bumaba sa 29% ang nagsasabing sila ay sumusuporta sa pamilya Duterte at kanilang mga kaalyado, mas mababa ng 11 percentage points kumpara sa naitala noong Abril.
Ayon sa WR Numero, malinaw na indikasyon ito ng paghina ng impluwensya ng political bloc ng mga Duterte sa kabila ng kanilang malakas na presensya sa nakalipas na mga eleksyon.
Kasabay nito, tumaas naman ang bilang ng mga Filipino na kumikilala sa kanilang sarili bilang independents, na ngayon ay umaabot sa 36%, mas mataas ng 4 percentage points mula sa nakaraang quarter. Ang pagdami ng mga independent voters ay nakikitang maaaring maging “swing factor” sa mga darating na halalan, dahil sila ang potensyal na magdesisyon kung aling partido o personalidad ang may mas malaking tsansa sa tagumpay.
Sa kabilang banda, nadagdagan din ang nagsasabing sila ay pro-Marcos, na ngayon ay nasa 19%, tumaas ng 4 percentage points mula Abril. Ipinapakita nito na nananatili ang suporta para sa kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., lalo na habang nakatutok ito sa mga usaping pambansa.
Samantala, umakyat din sa 16% ang nagsasabing kabilang sila sa oposisyon, isang 3 percentage point increase. Ayon sa mga political analyst, maaaring senyales ito ng muling pagbubuo ng mas organisadong oposisyon na kayang pumosisyon laban sa kasalukuyang administrasyon at sa mga dominanteng political clans.
Ang survey ay isinagawa mula Hulyo 29 hanggang Agosto 6, 2025, gamit ang face-to-face interviews sa 1,814 adult Filipino respondents sa iba’t ibang panig ng bansa. Mayroon itong margin of error na ±2% at 95% confidence level, kaya’t sinasabing maaasahan ang mga resulta bilang representasyon ng pulso ng publiko.
Ang kabuuang ulat ay makikita sa Philippine Public Opinion Monitor Issue 4, Volume 2025, na inilabas ng WR Numero.
Larawan mula sa WR Numero