Diskurso PH
Translate the website into your language:

Romualdez nabuking may Gulfstream jets, Co may fleet ng Bell choppers

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-09-17 08:56:49 Romualdez nabuking may Gulfstream jets, Co may fleet ng Bell choppers

MANILA — Lumutang sa gitna ng mas pinaigting na anti-corruption drive ng administrasyon ang umano’y pagmamay-ari ng mga luxury jet at helicopter nina House Speaker Martin Romualdez at Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co.

Ayon sa mga source, nakapukaw sa pansin ng Malacañang ang umano’y pagbili ni Romualdez ng dalawang Gulfstream private jets—isang pre-owned G150 na tinatayang nagkakahalaga ng $8 milyon, at isang G550 na umaabot sa $35 milyon o humigit-kumulang ₱2.6 bilyon. Binili umano ang mga ito mula sa negosyanteng si Lucio Tan at kasalukuyang naka-park pa sa hangar ng bilyonaryo.

Samantala, si Rep. Zaldy Co ay iniulat na nagsimula nang ilipat sa labas ng bansa ang kanyang fleet ng mga mamahaling sasakyang panghimpapawid. Batay sa dokumentong nakuha ng Bilyonaryo, ang Misibis Aviation & Development Corp.—na umano’y pag-aari ni Co—ay nagsimula nang iproseso ang pag-deregister ng Gulfstream G350 na nagkakahalaga ng $36 milyon. Sa liham ng chief pilot ng Misibis Aviation na si Capt. Elvidio Palaganas sa Civil Aviation Authority of the Philippines noong Agosto 18, humiling ito ng “major modification of the export certificate of airworthiness and deregistration of the certificate of registration” para sa naturang jet.

Ang G350 (tail number RP-C8575) ay nakuha umano noong Hunyo 2024 at dating ginamit ng mga kompanya sa US, British Virgin Islands, at isang hindi pinangalanang operator sa Pilipinas. Pinamumunuan umano ang aircraft-leasing business ng anak ni Co na si Michael Ellis Co, at ito ang nag-iisang business jet ng kanilang fleet.

Bukod sa G350, nakakuha rin ng mga larawan ang Bilyonaryo ng limang iba pang private jets at limang luxury Bell helicopters sa ilalim ng Misibis Aviation. Ginagamit umano ang mga ito para sa mga VIP guest na bumibisita sa limang ektaryang Misibis luxury resort ni Co sa Albay.

Sa gitna ng mga ulat, iniulat din na si Co ay lumipad patungong Estados Unidos para sa umano’y medical treatment, kasabay ng pag-ungkat ng kanyang pangalan sa kontrobersiyang may kaugnayan sa flood control scam. Si Romualdez naman ay sinasabing naghahanda sa posibleng pagbabago ng liderato sa Kamara, kung saan si Isabela Rep. Faustino “Bojie” Dy III ay binabanggit bilang posibleng kapalit sa puwesto bilang Speaker.

Patuloy ang imbestigasyon ng Malacañang sa mga ari-arian at transaksyon ng mga mambabatas na nasangkot sa mga anomalya, kasabay ng mas mahigpit na pagsusuri sa mga proyektong pinopondohan ng pamahalaan.