Diskurso PH
Translate the website into your language:

Padilla naghain ng ‘Anti-Pabebe Act’ para turuan ang kabataan ng life skills

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-09-18 08:55:47 Padilla naghain ng ‘Anti-Pabebe Act’ para turuan ang kabataan ng life skills

MANILA — Inihain ni Senador Robin Padilla ang Senate Bill No. 1300 o ang tinaguriang “Anti-Pabebe Act of 2025,” na naglalayong isulong ang holistic development ng kabataan sa pamamagitan ng pagsasama ng practical life skills, values formation, at environmental awareness sa basic education curriculum.

Ayon sa paliwanag ng kanyang chief of staff na si Atty. Rudolf Philipp Jurado, ang salitang “pabebe” ay tumutukoy sa “tendency to act overly pretentious or exaggeratedly delicate in speech and behavior” — isang ugaling umano’y lumalala sa mga kabataan sa panahon ng social media.

Sa panukalang batas, binigyang-diin ni Padilla ang pangangailangan ng mga kabataan na matutong humarap sa mga hamon ng buhay. “They seem to lack the support required to acquire and reinforce the necessary life skills,” aniya. “Traditional mechanisms for passing on life skills (e.g. family and cultural factors) may no longer be adequate, considering the influences that shape young people’s development nowadays”.

Kabilang sa mga iminungkahing aktibidad sa ilalim ng batas ay ang:

  • Pagsasagawa ng school gardening at composting
  • Pagtuturo ng basic cooking, sewing, budgeting
  • Paglahok sa community-based environmental projects
  • Hands-on carpentry at household skills

Lahat ng pampubliko at pribadong institusyon mula Kindergarten hanggang Grade 12 ay saklaw ng panukala, kung maisasabatas.

Ang Senate Bill No. 1300 ay isinampa noong Agosto 27 at itinakda sa Committee on Basic Education at Committee on Finance noong Setyembre 16 para sa deliberasyon.

Layunin ng panukala na palakasin ang psychosocial competence ng mga mag-aaral — ang kakayahang mapanatili ang mental well-being at makipag-ugnayan nang responsable sa iba habang umaangkop sa mga pagbabago sa lipunan at kapaligiran.