Diskurso PH
Translate the website into your language:

Aktibista, kinasuhan matapos batuhin ng putik ang compound ng pamilya Discaya

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-09-19 20:47:56 Aktibista, kinasuhan matapos batuhin ng putik ang compound ng pamilya Discaya

SETYEMBRE 19, 2025 — Sinampahan ng reklamo ng pulisya si environmental activist Jonila Castro kaugnay ng isinagawang kilos-protesta sa harap ng St. Gerrard Construction compound, pag-aari ng pamilyang Discaya, na sangkot umano sa mga kontratang may kinalaman sa flood control projects.

Ipinadala ng Pasig City Prosecutor’s Office ang subpoena kay Castro noong Setyembre 19 sa tanggapan ng Bayan Muna. Inaatasan siyang dumalo sa Pasig City Hall sa Setyembre 25, alas-10 ng umaga, upang magsumite ng counter affidavit.

Ang reklamo ay isinampa nina Pasig Police Chief Hendrix Mangaldan at Police Captain Ralph Santos ng Sector 3 noong Setyembre 11. Ayon sa kanila, nilabag ni Castro ang Batas Pambansa 880 o Public Assembly Act of 1985, na nag-uutos ng permit para sa anumang pampublikong pagtitipon.

Ang kilos-protesta ay isinagawa noong Setyembre 4 sa harap ng compound ng St. Gerrard sa Pasig. Ilang aktibista mula sa mga progresibo at environmental groups ang nagbato ng putik sa gate ng kumpanya bilang simbolikong pagkondena sa umano’y katiwalian sa flood control projects. May mga slogan ding isinulat sa gate na nananawagan ng pananagutan mula sa mga contractor.

Si Castro, tagapagsalita ng grupong Kalikasan, ay kabilang sa mga dumalo sa protesta. Siya rin ay isa sa dalawang environmental defenders na nagsampa ng reklamo laban sa umano’y pagdukot sa kanila ng mga ahente ng estado.

Batay sa dokumentong isinumite ng pulisya, sinabi ni Captain Santos at ng dalawang kasamang pulis na nagpatuloy ang protesta kahit pinakiusapan na ang mga demonstrador na panatilihin ang kaayusan. Wala rin umanong naipakitang permit ang grupo para sa naturang pagtitipon.

Kinumpirma ng city administrator ng Pasig na walang naihain na permit para sa protesta sa nasabing lugar.

Sa pahayag ng Kalikasan, iginiit nilang may sapat na dahilan ang galit ng mga mamamayan. 

“When billions are being siphoned off from public funds and leaving millions of Filipinos suffering from floods and disasters, our anger is justified” giit nila.

(Kapag bilyon-bilyong pondo ng bayan ang nawawala at milyong Pilipino ang patuloy na binabaha at nagdurusa, makatarungan ang galit namin.)

Ang pamilya Discaya ay may hawak ng siyam na construction firm na nakakuha ng mahigit P30 bilyong kontrata mula 2022 hanggang 2025. Nakita rin sa compound ang hindi bababa sa 30 luxury vehicles.

Sa gitna ng kaso, nanindigan si Castro na hindi siya uurong. “Kung idinaan nila sa kaso ang lalong panunupil, idadaan namin sa protesta sa kalsada ang paglaban sa korapsyon, pasismo, at bulok na sistema.”

Nanawagan din siya sa publiko na makiisa sa protesta sa Setyembre 21 sa Luneta, kasabay ng paggunita sa anibersaryo ng Batas Militar.

(Larawan: Facebook)