Bagong Minimum Wage Rate sa Laguna Ipinatupad sa Ilalim ng Wage Order No. IVA-22
Ana Linda C. Rosas Ipinost noong 2025-09-19 14:13:24
Laguna, Setyembre 2025 — Magkakaroon ng dagdag na sahod ang mga manggagawa sa pribadong sektor sa lalawigan ng Laguna matapos ilabas ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB)–Calabarzon ang Wage Order No. IVA-22, na nagtatakda ng ₱25 hanggang ₱100 dagdag sa arawang minimum wage.
Ang implementasyon ng taas-sahod ay gagawin sa dalawang yugto: una, sa Oktubre 5, 2025, at ang ikalawa ay sa Abril 1, 2026.
Sa ilalim ng Wage Order No. IVA-22, ito na ang magiging bagong minimum wage sa Laguna:
Non-agriculture sector: ₱525 hanggang ₱600
Agriculture sector: ₱508 hanggang ₱525
Retail at Service sector (mga establisimyento na may hindi hihigit sa 10 manggagawa): ₱508
Ayon sa RTWPB-Calabarzon, ang dagdag na sahod ay layong makatulong sa mga manggagawa upang matugunan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin at gastusin sa araw-araw, habang isinasaalang-alang din ang kakayahan ng mga employer na makasunod sa bagong wage adjustment.
Nakasaad na ang opisyal na kopya ng Wage Order No. IVA-22 ay maaaring makuha sa opisina ng RTWPB–Calabarzon at sa opisyal na website ng National Wages and Productivity Commission (NWPC).
Dagdag pa rito, ipinaliwanag ng ahensya na ang anumang paglabag sa naturang wage order ay maaaring magresulta sa kaukulang parusa alinsunod sa umiiral na batas paggawa.
Bagama’t ikinatuwa ng maraming manggagawa ang dagdag na sahod, nagpahayag din ng pangamba ang ilang maliliit na negosyante, partikular sa sektor ng retail at services, na maaari umanong mahirapan silang tustusan ang dagdag sahod dahil sa mataas na operational expenses.
Gayunpaman, tiniyak ng RTWPB na isinailalim sa masusing konsultasyon ang bagong wage order upang balansehin ang interes ng mga manggagawa at employer sa lalawigan.