Diskurso PH
Translate the website into your language:

Bagong modus: pekeng biyahe, totoong perwisyo

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-09-19 16:43:30 Bagong modus: pekeng biyahe, totoong perwisyo

SETYEMBRE 19, 2025 — Patuloy ang pagdami ng mga Pilipinong nabibiktima ng online travel scam, ayon sa datos ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG). Mula sa 39 kaso noong 2021, umakyat ito sa 91 sa 2022, at pumalo sa 313 noong 2023. Sa unang limang buwan ng 2025 pa lang, 89 ulat na ang natanggap ng mga awtoridad.

“Most of the victims fell for fake travel packages, fraudulent accommodation offers, and false travel agents who could no longer be contacted after being paid,” ayon kay Police Lieutenant Edessa Rodriguez, Assistant Public Information Officer ng PNP-ACG. 

(Karamihan sa mga biktima ay naloko sa mga pekeng travel package, accommodation deal, at pekeng travel agent na hindi na makontak matapos bayaran.)

Karaniwang tumataas ang insidente tuwing Marso at Abril, kasabay ng summer season at mga mahabang bakasyon. Ngunit sa kabila ng pagtaas ng bilang, nananatiling kulang ang mga pormal na reklamo — isang dahilan kung bakit patuloy ang operasyon ng mga scammer.

“They might be able to keep operating because the police have yet to receive complaints. That is why the PNP-ACG reminds the public to always report scam cases so we can properly investigate,” dagdag ni Rodriguez. 

(Maaaring patuloy silang nakakapag-operate dahil wala pang reklamo sa pulisya. Kaya’t paalala ng PNP-ACG sa publiko: i-report agad ang mga scam para maimbestigahan nang maayos.)

Paliwanag ng PNP-ACG, nagsisimula lang ang imbestigasyon kapag may reklamo. Kung kilala ang suspek, agad silang makakasuhan. Kung hindi, kailangan munang humingi ng court order para makuha ang impormasyon mula sa service providers.

“If we do not apply for a WDCD, that may compromise the investigation because we cannot easily obtain information due to the Data Privacy Act,” ani Rodriguez. 

(Kung hindi kami mag-apply ng Warrant to Disclose Computer Data [WDCD], maaaring maapektuhan ang imbestigasyon dahil hindi basta-basta makakakuha ng impormasyon dahil sa Data Privacy Act.)

Babala ng PNP-ACG: suriin ang travel agency kung may DTI permit, huwag basta maniwala sa sobrang murang alok, at mag-ingat sa mga naghihikayat na magbayad agad-agad.

(Larawan: Yahoo Creators)