Diskurso PH
Translate the website into your language:

Brice Hernandez, isinauli ang luxury car sa ICI; Ferrari at Lamborghini, isusunod ayon kay Magalong

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-09-19 16:41:06 Brice Hernandez, isinauli ang luxury car sa ICI; Ferrari at Lamborghini, isusunod ayon kay Magalong

TAGUIG CITY — Isinauli na ni dating DPWH Bulacan Assistant District Engineer Brice Ericson Hernandez ang isang luxury vehicle sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) ngayong Biyernes, Setyembre 19, bilang bahagi ng imbestigasyon sa mga maanomalyang flood control projects sa Central Luzon.

Ayon kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong, na consultant ng ICI, ang turnover ay “magandang lead ito para sa pag-iimbestiga.” Sa panayam, kinumpirma ni Magalong na bukod sa unang sasakyan, inaasahang isusunod ni Hernandez ang isang Ferrari na nagkakahalaga ng ₱58 milyon at isang Lamborghini na tinatayang nasa ₱30–₱40 milyon, pati na rin ang ilang mamahaling motorsiklo.

“Meron pa, meron pa,” ani Magalong. “Yung turnover, yung Ferrari na worth P58M. Tapos Lamborghini, which is worth about P30–40M. May mga motorcycles pa siya.”

Sinabi rin ni Magalong na naging bukas si Hernandez sa pakikipagtulungan matapos ipaliwanag ng ICI ang mga legal na implikasyon ng kanyang sitwasyon. “Explain namin sa kanya kung ano yung pros and cons na gagawin niya… finally he realized better to cooperate with us sa ICI. Kaya talagang very free-flowing yung mga impormasyon na binitawan niya,” dagdag ni Magalong.

Bukod sa mga sasakyan, ibinahagi rin ni Hernandez ang impormasyon kaugnay ng kanyang casino account, kabilang ang paggamit ng ID na nakapangalan sa kanya. “Sabi ko nga, lahat ng mga relevant na impormasyon ay binigay niya,” ani Magalong, ngunit binigyang-diin na kailangan pa ng corroborative evidence para sa mga pahayag ni Hernandez.

Tiniyak ni Magalong na ang mga sasakyang isinuko ay nasa custody ng ICI, at posibleng isailalim sa auction sa tamang panahon. “Pero merong proseso lahat. Mabuti pa na i-consolidate muna lahat,” aniya.

Tungkol sa posibleng koordinasyon sa Bureau of Customs, sinabi ni Magalong: “If there's a need for us to cooperate and coordinate with Customs, siguro we have to do it. Lahat naman titignan namin. As an investigator, lahat ng anggulo, lahat ng mga opening, lahat ng mga potential leads, kailangan namin exploit lahat.”

Patuloy ang daily hearings ng ICI sa Energy Center sa Bonifacio Global City, Taguig, kung saan kabilang sa mga iniimbestigahan ay sina dating DPWH Secretary Manuel Bonoan at iba pang opisyal. “Marami. Tuloy yan. Araw-araw yan meron,” ani Magalong, bagama’t tumangging magpangalan ng iba pang iniimbitahan sa mga pagdinig.

Ang turnover ng mga luxury vehicles ay itinuturing na malaking hakbang sa paglalantad ng mga posibleng tagong yaman na konektado sa flood control corruption scandal.