Dizon, pinaiimbestigahan pati mga mansion, luxury assets ng mga sangkot sa ‘ghost projects’
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-09-19 18:31:07
SETYEMBRE 19, 2025 — Pinapalawak ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang imbestigasyon laban sa mga opisyal at kontratistang sangkot sa umano’y maanomalyang flood control projects sa Bulacan — mula sa bank account hanggang sa mga mansion, mamahaling sasakyan, resort, yate, at eroplano.
Inatasan ni Public Works Secretary Vivencio Dizon ang Land Registration Authority, Land Transportation Office, Civil Aviation Authority of the Philippines, at Maritime Industry Authority na magsumite ng listahan ng mga ari-arian sa pangalan ng 26 indibidwal na nahaharap sa kaso sa Office of the Ombudsman.
Kabilang sa mga iniimbestigahan ay 13 opisyal ng DPWH, 7 project engineer, at 6 kontratista mula sa mga kumpanyang St. Timothy Construction Corp., Wawao Builders, SYMS Construction Trading, at IM Construction Corp.
Nauna nang pinayagan ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang pag-freeze ng kanilang bank accounts at insurance policies. Ngayon, target na rin ang kanilang mga pisikal na ari-arian.
Ayon kay Dizon, “This request was made to prevent the dissipation, removal or disposal of properties strongly suspected to be the proceeds of or related to unlawful activities.”
(Ginawa ang kahilingang ito upang maiwasan ang paglipat, pagtatago, o pagbebenta ng mga ari-ariang hinihinalang galing sa ilegal na gawain.)
Dagdag pa niya, “Such preemptive action is necessary to safeguard assets from disposal and ensure that ongoing government efforts to combat corruption and money laundering are not undermined.”
(Mahalaga ang ganitong hakbang upang maprotektahan ang mga ari-arian at hindi mahadlangan ang kampanya ng pamahalaan laban sa korapsyon at money laundering.)
Lumabas sa mga pagdinig sa Senado at Kamara, pati na sa internal na imbestigasyon ng DPWH, ang ebidensyang nag-uugnay sa mga opisyal at kontratista sa mga ‘ghost’ at substandard na proyekto. Dahil dito, isinampa ang mga reklamo sa Ombudsman para sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Revised Penal Code (malversation at falsification), Government Procurement Reform Act, at iba pang batas.
(Larawan: Philippine News Agency)