Leviste, Dizon pursigidong ipatupad ang dating sistema ni Singson
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-09-19 19:54:52
SETYEMBRE 19, 2025 — Isinusulong ni Batangas 1st District Representative Leandro Legarda Leviste ang pagbawas sa gastusin ng mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH), kasunod ng mungkahing ibalik ang cost-cutting approach na ginamit noon ni dating DPWH Secretary Rogelio “Babes” Singson.
Sa pagdinig ng House Committee on Appropriations para sa 2026 budget ng DPWH, iginiit ni Leviste na dapat bawasan ng hindi bababa sa 10 porsyento ang Detailed Unit Price Analysis (DUPA) ng ahensya upang mapalawak ang saklaw ng mga proyekto sa parehong pondo.
“Noong panahon ni DPWH secretary Rogelio Singson, the Detailed Unit Price Analysis (DUPA) ay pinilit niyang ibaba ng at least 10 percent, at sabi po ni Secretary Singson na kaya daw pong ibaba pa ito ng 15 hanggang 20 percent,” ani Leviste.
Sumang-ayon si DPWH Secretary Vince Dizon sa panukala, at kinumpirma niyang isa ito sa mga hakbang na isasagawa ng ahensya sa mga susunod na linggo. Ayon kay Dizon, nakipagpulong na siya kay Singson upang pag-usapan ang nationwide review ng DUPA.
“Yes, in fact nag-usap po kami ni former Secretary Singson, at I agree with him at isa 'yun sa mga plano nating gawin in the coming weeks and in the coming months na gawan ng paraan na ibaba ang DUPA nationwide. Kailangan pong i-review natin ng maige,” sagot ni Dizon.
Tinaya ni Leviste na kung maibaba ang DUPA ng 10 porsyento, makakatipid ang gobyerno ng P88 bilyon mula sa P880 bilyong budget ng DPWH. Kung 20 porsyento ang bawas, posibleng umabot sa P176 bilyon ang matitipid — halagang maaaring gamitin sa karagdagang proyekto o pambawas sa deficit.
Dagdag pa ni Leviste, ang naturang pagtitipid ay makatutulong sa panukalang pagbaba ng Value Added Tax (VAT) mula 12% tungo sa 10%, na maaaring magresulta sa dagdag na P7,000 kada taon sa disposable income ng bawat pamilyang Pilipino.
Bilang vice chairman ng Committee on Appropriations at Committee on Ways and Means, determinado si Leviste na wakasan ang labis na paggastos ng pamahalaan upang mapagaan ang pasanin ng mamamayan sa buwis at presyo ng bilihin.
(Larawan: Philippine Information Agency)