Mag-asawang Discaya, humarap sa DOJ — karapat-dapat bang ilagay sa Witness Protection Program?
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-09-19 12:16:33
SETYEMBRE 19, 2025 — Dumating nitong Biyernes si Pacifico “Curlee” Discaya II sa Department of Justice (DOJ) upang sumailalim sa pagsusuri para sa Witness Protection Program (WPP). Kasama rin sa proseso ang kanyang asawa, si Sarah Discaya.
Alas-8 ng umaga nang dumating si Curlee sa DOJ compound, suot ang bulletproof vest at sinamahan ng mga tauhan mula sa Office of the Senate Sergeant-at-Arms at PNP Police Security and Protection Group. Pumasok siya sa gusali bandang 9:20 a.m. Sumunod si Sarah na dumating ng 10:30 a.m.
Ayon kay DOJ spokesperson Mico Clavano, nakatakdang basahin ni Curlee ang kanyang affidavit sa harap ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla at ng direktor ng WPP upang matukoy kung sapat ang impormasyong hawak niya.
“Kailangan po maging truthful, kailangan po sabihin ang lahat ng nalalaman nila. We cannot afford to be selective in this process dahil po that will affect their application sa pagiging protected witness,” ani Clavano.
Matatandaang ibinunyag ng mag-asawang Discaya ang mga pangalan ng ilang kongresista, staff, at opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na umano’y sangkot sa katiwalian sa mga proyekto ng flood control. Gayunman, sinabi noon ni Remulla na kulang at hindi buo ang impormasyong ibinahagi ng Discayas, dahilan upang hindi niya suportahan ang kanilang pagiging state witness.
Dagdag pa ni Remulla, kailangang isauli ng mag-asawa ang anumang perang nakuha sa ilegal na paraan bago sila ikonsidera bilang state witness.
“It shows sincerity of the witnesses if they are willing to acknowledge that they have taken money in an illegal manner, such as corruption, before they are able to tell the truth, and I think it will supplement the truth if they are able to give back what is not rightfully theirs,” ani Clavano.
(Ipinapakita nito ang sinseridad ng mga saksi kung aaminin nila na may perang nakuha sa ilegal na paraan, gaya ng korapsyon, bago sila magsabi ng totoo, at sa tingin ko, makakatulong ito sa katotohanan kung maibabalik nila ang hindi sa kanila.)
Binigyang-diin din ni Clavano na ang proteksyon mula sa WPP ay isang pribilehiyo, hindi karapatan. Aniya, maaaring tanggalin ito kung mapatunayang nagsinungaling ang aplikante.
Nauna nang pinatawan ng contempt si Curlee ng Senate Blue Ribbon Committee matapos magsinungaling tungkol sa pagliban ng kanyang asawa sa imbestigasyon.
Samantala, kinumpirma ni Clavano na wala pa silang natatanggap na tugon mula kay Sarah Discaya. Ipinaliwanag din niya ang kaibahan ng protected witness sa state witness — ang una ay saklaw ng WPP, habang ang huli ay kailangang aprubahan ng korte.
“Kumbaga po, we will see kung may risk sa kanilang buhay at kung worthy sila sa protection ng WPP,” ani Clavano.
(Larawan: Reddit)