Diskurso PH
Translate the website into your language:

Mindanao Tech kumondena sa ‘Badjao outfit trend’

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-09-19 09:39:46 Mindanao Tech kumondena sa ‘Badjao outfit trend’

MANILA — Mariing kinondena ng grupong The Mindanao Tech ang tinaguriang “Badjao outfit trend” na kumakalat sa social media, kung saan ginagaya ng ilang netizen ang pananamit at pamumuhay ng mga Badjao para lamang gawing biro.

Ayon sa kanilang pahayag, ang naturang gawain ay hindi nakakatawa kundi malinaw na paglapastangan sa batas, sa pagpapahalaga, at higit sa lahat sa pagkatao ng mga katutubong Pilipino.

Tinukoy ng grupo na ang trend na ito, kung saan nagsusuot ng maruruming damit, kumakarga ng bata, at ginagaya ang paraan ng pamamalimos ng Badjao, ay nagiging normalisasyon ng pangungutya. Anila, “poverty has become our comedy” at ang pagdurusa ng iba ay ginagawang aliwan. Sa kanilang pananaw, ito ay isang nakababahalang patunay na unti-unti nang nawawala ang ating pagkatao.

Ibinahagi rin ng grupo ang mga datos mula sa mga naunang pag-aaral. Ayon sa isang 2024 study sa International Journal of Current Science Research and Review, maraming kabataang Badjao ang nakararanas ng matinding diskriminasyon at bullying sa paaralan. Isang estudyante ang nagpatotoo na siya ay madalas pagtawanan at kuhanan ng larawan ng mga kaklase upang ipahiya. Dagdag pa rito, lumabas sa isang 2018 research sa Webology na 75% ng mga Badjao na lumahok ay nakadama ng pagiging “societal outcasts,” at ilan pa ang napilitang huminto sa pag-aaral dahil sa pangungutya.

Binanggit din ng grupo na malinaw itong paglabag sa Republic Act 8371 o Indigenous Peoples’ Rights Act, na nagbibigay ng karapatan at dignidad sa mga katutubo. Ang kawalan ng respeto at ang paggamit ng kanilang kahirapan bilang biro ay itinuturing nilang “betrayal of our laws, our values, and our humanity.”

Nanawagan ang Mindanao Tech na wakasan ang ganitong kalakaran sa pamamagitan ng pagtanggi na makisali o magbahagi ng content na nanlalait. Sa halip, hinihikayat ang publiko na pumili ng empatiya at pakikipagkapwa. Anila, ang pagbibigay respeto sa Badjao ay hindi lamang para sa kanila kundi paraan din upang maibalik ang ating sariling pagkatao bilang Pilipino.

Larawan mula sa The Mindanao Tech