Diskurso PH
Translate the website into your language:

South African National, arestado sa Mactan Cebu International Airport dahil sa droga

Ana Linda C. RosasIpinost noong 2025-09-19 21:48:55 South African National, arestado sa Mactan Cebu International Airport dahil sa droga

CEBU CITY–Arestado ang isang 32-anyos na dayuhan matapos mahulihan ng tinatayang limang kilo ng ilegal na droga sa Mactan-Cebu International Airport (MCIA) nitong Huwebes, Setyembre 18.


Kinilala ng mga awtoridad ang suspek bilang si Keith Charles Moore, isang mamamayan ng South Africa. Dumating umano siya sa Cebu mula sa South Africa sakay ng isang flight na dumaan sa Hong Kong noong Huwebes ng umaga.


Batay sa ulat ng National Bureau of Investigation-Cebu District Office (NBI-CEBDO), nakumpiska mula kay Moore ang mga pakete ng ipinagbabawal na gamot na may tinatayang halagang ₱34 milyon.

Ayon sa mga imbestigador, isinailalim sa masusing inspeksiyon ang bagahe ng suspek matapos makitaan ng kahina-hinalang laman. Nang buksan, natuklasan ang mga nakatagong pakete ng droga na agad na inimbentaryo ng mga otoridad.


Si Moore ay kasalukuyang nasa kustodiya ng NBI-Cebu habang inihahanda ang mga kaukulang kasong isasampa laban sa kanya.


Patuloy ding iniimbestigahan ang pinagmulan at posibleng destinasyon ng mga droga, kabilang ang mga taong maaaring kasabwat sa operasyon.

Larawan /google