‘Tatak kriminal ‘yan’ – Bwelta ni Usec. Claire Castro sa payo ni VP Sara na Kidnapin si Zaldy Co
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-09-19 23:14:23.jpg)
MANILA — Matindi ang naging tugon ni Undersecretary Claire Castro matapos ang kontrobersyal na pahayag ni Vice President Sara Duterte na tila nagmungkahi ng pagkidnap kay Rep. Zaldy Co na kasalukuyang nasa Amerika umano para sa medical treatment.
Sa kanyang pananalita, binanggit ni Duterte na kung nagawa raw noon na dakpin at dalhin sa ibang bansa si dating Pangulong Rodrigo Duterte, bakit hindi rin magawa ang kaparehong aksyon laban kay Co na nahaharap ngayon sa isyu ng korapsyon kaugnay ng flood control projects.
Aniya: “Ang Office of the President, involved sila sa kidnapping ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Bakit ngayon... hindi man lang nila magawa na kidnapin si Zaldy Co doon sa Amerika at ibalik dito sa atin sa Pilipinas?”
Dahil dito, mariing pumalag si Usec. Castro at tinawag na “tatak kriminal” ang naturang payo mula mismo sa pangalawang pangulo ng bansa.
“Tatak kriminal ’yan. Mali ang ganyang advice mula sa isang Bise Presidente,” diin ni Castro, sabay giit na dapat maging huwaran sa batas at demokrasya ang mga nasa mataas na posisyon ng pamahalaan.
Nag-ugat ang usapin sa patuloy na kontrobersiya kaugnay sa umano’y anomalya sa flood control projects, kung saan kabilang si Rep. Co sa mga iniimbestigahan ng Kamara.
Ang palitan ng pahayag ay muling nagbigay-diin sa tensiyon sa pagitan ng mga opisyal at sa mas malalim na diskusyon tungkol sa paggamit ng kapangyarihan at pananagutan sa pamahalaan. (Larawan: Google)