Bagong Right-of-Way Act, sagot sa mabagal na proyekto
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-09-20 08:54:49
MANILA — Inaasahang bibilis ang implementasyon ng mga pangunahing infrastructure projects sa bansa kasunod ng pagpirma ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa bagong batas na tinaguriang Accelerated and Reformed Right-of-Way (ARROW) Act, ayon kay Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs Frederick Go.
Sa isang pahayag nitong Biyernes, Setyembre 19, sinabi ni Go na ang bagong batas ay magpapabilis sa pagkuha ng mga lupa para sa mga proyekto ng gobyerno at mga pribadong inisyatiba na may public utility function. “It will enable better access to essential services, boost investor confidence and, more importantly, fast-track projects that will deliver safer roads, shorter commutes, reliable electricity, clean water and increased opportunities,” ani Go.
Ang ARROW Act, na isinabatas bilang Republic Act No. 12289, ay nag-aamyenda sa dating Right-of-Way Act (RA 10752). Layunin nitong resolbahin ang matagal nang mga bottleneck sa land acquisition na madalas nagiging sanhi ng pagkaantala sa mga proyekto tulad ng mga kalsada, tulay, paliparan, daungan, power at water systems, broadband networks, at irrigation facilities.
Ayon sa batas, ang mga implementing agencies ay kailangang maghanda ng Right-of-Way Action Plan bago simulan ang acquisition ng lupa. Isa sa mga makabagong probisyon ng ARROW Act ay ang pagpayag sa mga priority projects na itayo sa lalim na hanggang 18 metro sa ilalim ng lupa, na nagbibigay-daan sa mga matagal nang inaasam na subway systems.
Binanggit din ni Senador Mark Villar, sponsor ng batas sa Senado, na “Many projects have failed to meet their target completion dates due to unresolved right-of-way delays. Given these challenges, we welcome the amendment of the existing right-of-way law.”
Ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng ARROW Act ay inaasahang ilalabas sa loob ng 60 araw ng isang inter-agency committee. Sa ngayon, wala pang opisyal na kopya ng batas ang nailalathala sa Official Gazette.
Ang bagong batas ay bahagi ng mas malawak na “Build-Better-More” program ng administrasyon, na layong palakasin ang imprastruktura ng bansa at pasiglahin ang ekonomiya sa pamamagitan ng mas mabilis at episyenteng pagpapatupad ng mga proyekto.