Diskurso PH
Translate the website into your language:

Human rights lawyer patay sa pamamaril Puerto Princesa

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-09-20 08:54:55 Human rights lawyer patay sa pamamaril Puerto Princesa

PUERTO PRINCESA CITY — Patay ang human rights lawyer na si Atty. Joshua Lavega Abrina, 32, matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin sa harap ng kanyang tahanan sa Barangay San Jose, Puerto Princesa City, noong gabi ng Setyembre 17.

Ayon sa ulat ng Puerto Princesa City Police, kagagaling lamang ng pamilya ni Abrina sa isang prayer meeting nang mangyari ang pamamaril bandang alas-8 ng gabi. Isinugod siya sa ACE Hospital ngunit idineklara siyang dead on arrival dahil sa tama ng bala sa katawan.

Si Abrina ay dating legal officer ng Department of Education (DepEd) sa Palawan at kasalukuyang officer-in-charge ng Administrative Division ng Philippine Ports Authority (PPA) sa rehiyon. Ayon sa National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL), tumanggi si Abrina na makisangkot sa umano’y “item-for-sale” scheme sa DepEd Palawan bago siya nagbitiw sa puwesto noong Hulyo.

Kinondena ng Korte Suprema ang pagpaslang, sa pangunguna ni Acting Chief Justice Marvic Leonen, na nagsabing: “This is a grave matter that strikes at the very core of justice and the rule of law. Violence against members of the legal profession must never be taken lightly.” Nagpaabot din siya ng pakikiramay sa pamilya, kaibigan, at mga kasamahan ni Abrina.

Inatasan ni Leonen ang Chief Marshal at Deputy Marshal for Luzon na makipag-ugnayan sa mga imbestigador, habang pinakikilos ang mga executive judges sa buong bansa upang magsagawa ng dialogues at focus group discussions kaugnay ng seguridad ng mga abogado. Ang mga resulta ay isusumite sa mga komite ng Korte Suprema sa Human Rights, Access to Justice, at Oversight of the IBP.

Sa pahayag ng NUPL, tinawag nila ang insidente bilang bahagi ng “continuing pattern of violence against lawyers in this country.” Dagdag pa nila: “Every failure to deliver justice reinforces impunity and weakens the legal profession’s ability to stand independent and fearless.”

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang motibo at pagkakakilanlan ng salarin. Nanawagan ang PPA at DepEd ng agarang hustisya, habang pinaiigting ang panawagan para sa proteksyon ng mga miyembro ng legal profession sa bansa.