Malacañang nagdeklara ng half-day sa Sept. 22 para sa Family Week
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-09-20 08:54:51
MANILA — Inanunsyo ng Malacañang ang suspensyon ng trabaho sa lahat ng tanggapan ng pamahalaan sa ilalim ng Executive branch simula 1:00 p.m. sa Lunes, Setyembre 22, bilang bahagi ng pagdiriwang ng 33rd National Family Week at Kainang Pamilya Mahalaga Day.
Sa pamamagitan ng Memorandum Circular No. 96 na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin noong Setyembre 19, binigyang-daan ang mga empleyado ng gobyerno na makalahok sa mga aktibidad na nagtataguyod ng pagkakaisa at ugnayan sa loob ng pamilya. “This Office also encourages all government workers in the Executive branch to fully support the programs and activities relative to the observance of Family Week,” ayon sa dokumento.
Gayunpaman, ang mga ahensyang may kinalaman sa basic and health services, disaster preparedness and response, at iba pang vital functions ay hindi saklaw ng suspensyon at inaasahang magpapatuloy sa kanilang operasyon.
Hinihikayat din ng Palasyo ang iba pang sangay ng pamahalaan, mga independent commissions, at maging ang private sector na makiisa sa selebrasyon upang mabigyan ang bawat pamilyang Pilipino ng pagkakataong magsama-sama. “To afford all Filipino families the full opportunity to celebrate the 33rd National Family Week,” dagdag pa sa MC 96.
Ang National Family Week ay taunang ipinagdiriwang tuwing huling linggo ng Setyembre alinsunod sa Proclamation No. 60 (1992), habang ang Kainang Pamilya Mahalaga Day ay idineklara sa ilalim ng Proclamation No. 326 (2012), na layong palakasin ang tradisyon ng sabayang pagkain bilang sandali ng koneksyon at komunikasyon sa loob ng pamilya.