Diskurso PH
Translate the website into your language:

PAGASA: Nando tataas pa sa typhoon category sa loob ng 12 oras

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-09-20 08:54:39 PAGASA: Nando tataas pa sa typhoon category sa loob ng 12 oras

MANILA — Patuloy ang paglakas ng bagyong “Nando” habang kumikilos ito sa Philippine Sea, ayon sa pinakahuling ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA). Mula sa pagiging tropical storm, itinaas na ang kategorya nito sa severe tropical storm bandang alas-8 ng gabi noong Setyembre 19.

Sa 5:00 a.m. bulletin ng Sabado, Setyembre 20, sinabi ng PAGASA na si Nando ay namataan sa layong 780 kilometro silangan ng Casiguran, Aurora, taglay ang maximum sustained winds na 100 km/h malapit sa gitna at bugso ng hangin na umaabot sa 125 km/h. Kumikilos ito pa-northwest sa bilis na 10 km/h.

Ayon sa ahensya, inaasahang magpapatuloy ang intensipikasyon ng bagyo habang nasa karagatan ng Pilipinas. “Nando will continue to intensify while over the Philippine Sea. It may reach typhoon category within the next 12 hours and super typhoon by Monday before its close approach to Batanes and the Babuyan Islands,” pahayag ng PAGASA.

Sa forecast track, posibleng dumaan si Nando malapit o mag-landfall sa Batanes o Babuyan Islands sa pagitan ng Lunes ng hapon o gabi (Setyembre 22). Inaasahan din ang paglabas nito sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Martes ng umaga o tanghali (Setyembre 23).

Bagama’t wala pang itinaas na Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) sa ngayon, sinabi ng PAGASA na “Wind Signal No. 1 may be hoisted over Northern Luzon within the day” upang bigyang babala ang mga residente sa posibleng malalakas na hangin at ulan.

Bukod sa direktang epekto ng bagyo, inaasahan ding palalakasin ni Nando ang southwest monsoon (habagat), na magdadala ng maulap na kalangitan, kalat-kalat na pag-ulan, at thunderstorms sa mga rehiyon ng Cagayan Valley, Bicol, Eastern Visayas, Aurora, at Quezon. Apektado rin ang Metro Manila, MIMAROPA, Pangasinan, Central Luzon, at Calabarzon dahil sa habagat.

Nagbabala ang PAGASA sa posibilidad ng storm surge at malalaking alon sa mga baybayin ng Northern Luzon, kung saan maaaring umabot sa 14 metro ang taas ng alon sa mga susunod na araw. Pinayuhan ang mga mangingisda at maliliit na sasakyang pandagat na huwag munang pumalaot simula Linggo.

Patuloy ang monitoring ng PAGASA sa galaw at lakas ni Nando, at hinihikayat ang publiko na manatiling alerto at makinig sa mga opisyal na abiso mula sa ahensya at lokal na disaster risk reduction offices.