Diskurso PH
Translate the website into your language:

Public school teachers, staff pasok na sa bente-peso bigas

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-09-20 08:54:53 Public school teachers, staff pasok na sa bente-peso bigas

MANILA — Inaasahang makikinabang na rin ang mga guro at non-teaching personnel ng Department of Education (DepEd) sa ₱20 kada kilo na bigas sa ilalim ng “Benteng Bigas Meron (BBM) Na” program ng pamahalaan simula Oktubre 15, ayon sa Department of Agriculture (DA).

Kinumpirma ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na kasalukuyang fina-finalize ang listahan ng mga benepisyaryo mula sa sektor ng edukasyon, kung saan isasama ang salary grade bilang batayan sa pagpili. “We are finalizing the list,” ani Laurel sa isang ambush interview. “There’s a chance that all school personnel will be covered, depending on the salary grade.”

Nagpasalamat naman si Education Secretary Sonny Angara kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa DA sa pagpapalawak ng programa. “Nagpapasalamat kami kay Presidente at kay DA Secretary Laurel. Talagang napakagandang programa ho itong bente peso rice,” ani Angara sa isang panayam sa radyo. “Matutuwa ho talaga ‘yung pamilya ng ating teachers.”

Ang DepEd ay may tinatayang 800,000 teaching at non-teaching staff sa buong bansa, kaya’t isa ito sa pinakamalalaking ahensya ng gobyerno na isasama sa rice subsidy program. Tiniyak ni Angara na handa ang DepEd na tumulong sa logistics ng pamamahagi ng bigas sa mga paaralan at regional offices.

Ang BBM Na program ay bahagi ng pangako ni Pangulong Marcos na gawing abot-kaya ang presyo ng bigas para sa mga mahihirap at sektor ng serbisyo. Nauna nang isinama sa programa ang mga tricycle at jeepney drivers, senior citizens, solo parents, PWDs, at mga minimum wage earners.

Ayon sa DA, target nilang magbenta ng 1,000 metric tons ng bigas kada araw sa Oktubre, na posibleng tumaas sa 2,000 MT sa Nobyembre at 3,000 MT sa Disyembre, upang maabot ang 3.6 milyong kabahayan bago matapos ang taon.

Tiniyak din ng DA na may sapat na stock ng bigas mula sa National Food Authority (NFA) upang suportahan ang programa, habang pinapalakas ang procurement ng lokal na palay ngayong wet harvest season.