State witness 101: Mga kondisyon sa ilalim ng Rule 119
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-09-20 08:54:47
MANILA — Sa gitna ng mga kontrobersyal na imbestigasyon sa mga anomalya sa flood control projects, muling naging sentro ng talakayan ang tanong: Ano nga ba ang mga kailangan para maging isang state witness sa Pilipinas?
Ayon kay Atty. Ephraim Cortez, presidente ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL), ang isang indibidwal ay kailangang ma-charge muna sa korte bago siya ma-discharge bilang akusado at maging state witness. “Sa criminal procedure, definitely dapat merong indictment, ma-charge tapos tsaka ifa-file ‘yung motion for the accused to be discharged,” paliwanag ni Cortez.
Batay sa Rule 119 ng Revised Rules of Criminal Procedure, maaaring i-discharge ang isang akusado upang maging saksi ng estado kung matutugunan ang mga sumusunod na kondisyon:
– May absolute necessity sa kanyang testimonya
– Walang ibang direktang ebidensya maliban sa kanyang salaysay
– Maaaring i-corroborate ang kanyang testimonya sa mahahalagang punto
– Hindi siya ang pinaka-guilty sa mga akusado
– Wala siyang conviction sa anumang krimen na may moral turpitude
Kapag na-discharge ang isang akusado, ito ay itinuturing na acquittal, ngunit may kondisyon: “He needs to testify,” diin ni Cortez. Kung hindi siya tumestigo, maaaring mawala ang bisa ng discharge at maibalik ang kaso laban sa kanya.
Sa mga kaso kung saan hindi pa naisasampa ang kaso sa korte, posible pa rin umanong maging state witness ang isang indibidwal sa pamamagitan ng kasunduan sa Department of Justice (DOJ). “It will be an agreement between the DOJ at saka ‘yung witness na ‘yun. Pero ang effect noon ay hindi siya isasama sa indictment,” dagdag ni Cortez.
Samantala, binigyang-diin ni Rep. Terry Ridon na hindi lahat ng gustong maging state witness ay kwalipikado. “They’re definitely not the least guilty,” aniya, kaugnay ng Discaya couple na sangkot sa flood control kickback scheme. Ayon kay Ridon, ang pagiging “least guilty” ay mahalagang batayan sa ilalim ng Republic Act No. 6981 o Witness Protection, Security and Benefit Act.
Sa kabuuan, ang pagiging state witness ay hindi simpleng proseso. Kinakailangan ang masusing pagsusuri ng korte, sapat na ebidensya, at malinaw na papel ng testigo sa kaso. Sa mga kasalukuyang imbestigasyon, inaasahan ang mas mahigpit na pagbusisi sa mga nais mag-avail ng proteksyon kapalit ng kanilang testimonya.