Utang na ₱1,500 kapalit katawan? Lalaki arestado sa Mangaldan
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-09-20 08:54:44
MANGALDAN, PANGASINAN — Arestado ang isang 26-anyos na lalaki matapos umano nitong pilitin ang isang 17-anyos na dalagita na makipagtalik bilang kabayaran sa utang na ₱1,500, ayon sa ulat ng Mangaldan Police Station.
Isinagawa ang entrapment operation noong Miyerkules, Setyembre 17, sa isang inn sa Barangay Poblacion, matapos iulat ng biktima sa pulisya ang umano’y panggigipit ng suspek. Ayon kay PLtCol. Perlito Tuayon, hepe ng Mangaldan Police, “Noong September 17 inengganyo niya (suspek) ang victim, magbabayad ng utang ang victim, sasama sa hotel, katawan na lang niya ang ibabayad niya. Sinabi pa ng suspek na mag-shabu sila sa loob at magtatalik.”
Narekober mula sa suspek ang isang sachet ng hinihinalang shabu, na umano’y balak gamitin sa loob ng inn kasama ang biktima. Bukod sa sexual coercion, pinagbantaan din umano ng suspek ang dalagita na ikakalat ang isang video kung hindi ito papayag sa kanyang alok.
Mariing itinanggi ng suspek ang mga paratang. Sa panayam, sinabi niyang “Hindi ko naman gusto, maniningil lang talaga ako. Wala, na-frame up na ako.”
Nahaharap ngayon ang suspek sa mga kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act, Anti-Child Abuse Law, at Comprehensive Dangerous Drugs Act. Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya habang hinihintay pa ang opisyal na pahayag ng biktima.
Nagpaalala ang mga awtoridad sa publiko na agad i-report ang anumang uri ng pang-aabuso, lalo na kung sangkot ang mga menor de edad. Ang insidente ay muling nagpapaalala sa kahalagahan ng mas mahigpit na proteksyon para sa kabataan laban sa karahasan at pananamantala.
Para sa tulong, maaaring tumawag sa Women and Children Protection Desk ng PNP o makipag-ugnayan sa DSWD regional office.