Diskurso PH
Translate the website into your language:

Babala ng DILG: agarang paglikas sa mga delikadong lugar dahil sa super typhoon Nando

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-09-21 14:32:09 Babala ng DILG: agarang paglikas sa mga delikadong lugar dahil sa super typhoon Nando

Setyembre 21, 2025 –Muling nanawagan ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ngayong Linggo, Setyembre 21, 2025, sa lahat ng lokal na pamahalaan na agad ipatupad ang preemptive evacuation at iba pang kritikal na hakbang pangkaligtasan matapos tuluyang lumakas at maging isang super typhoon si Nando bandang alas-8:00 ng umaga.


Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, hindi na dapat mag-atubili ang mga lokal na opisyal sa paglilikas ng mga residente na nasa delikadong lugar dahil buhay umano ang nakataya. “Hindi na ito opsyon, kundi obligasyon ng pamahalaan at responsibilidad ng bawat komunidad,” diin ni Remulla.


Kaugnay nito, muling iginiit ng DILG ang kanilang direktiba na ipinadala kahapon, kabilang ang agarang paglikas, pagpapatupad ng liquor ban, mahigpit na pagbabawal sa paglalayag, at masusing paghahanda ng mga evacuation center.


Sa mas matinding banta ng bagyo, inatasan ang mga LGU na ipatupad ang mandatory evacuation sa mga barangay na nasa panganib ng storm surge, pagbaha, at landslide. Mahigpit ding ipinag-utos ang pagpapatupad ng no-sail policy upang matiyak ang kaligtasan ng mga mangingisda at biyahero, at ang pagtiyak na may sapat na kuryente, suplay ng pagkain at kaligtasan ang mga evacuation center.


Kasama rin sa paalala ang pagbibigay ng agarang tulong at suporta sa mga pamilyang apektado, pagpapatupad ng liquor ban sa mga high-risk area, paglilinis ng mga daluyan ng tubig, pagbabantay sa mga dam at quarry site, at pagsisiguro na ligtas ang mga pangunahing imprastruktura.


Tiniyak ng DILG na nakikipag-ugnayan sila sa mga Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) at mga lokal na opisyal upang matiyak ang mabilis na pagsunod sa mga kautusan.


Binanggit ni Remulla na ang pagtaas ng kategorya ni Nando bilang super typhoon ay nangangahulugan na ang preemptive evacuation ay “non-negotiable.” Aniya, tanging mabilis na aksyon ng pamahalaan at kooperasyon ng mga mamamayan ang makapagliligtas ng buhay.


Muling pinaalalahanan ng DILG ang publiko na manatiling nakaantabay sa mga abiso ng PAGASA at LGU. “Sa panahong ito, hindi lamang paghahanda ang kailangan kundi agarang pagkilos,” dagdag ni Remulla.

Credits: Dilg