Diskurso PH
Translate the website into your language:

Curfew sa kabataan, mas mahigpit na ipatutupad ni Mayor Isko matapos ang marahas na protesta

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-09-21 19:41:25 Curfew sa kabataan, mas mahigpit na ipatutupad ni Mayor Isko matapos ang marahas na protesta

SETYEMBRE 21, 2025 — Inatasan ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang Manila Police District (MPD) na higpitan ang pagpapatupad ng curfew para sa mga menor de edad matapos ang sunod-sunod na kaguluhan sa lungsod noong Setyembre 21, kasabay ng mga kilos-protesta laban sa katiwalian sa gobyerno.

Batay sa Executive Order No. 2, Series of 2025, ipinag-uutos ang curfew mula alas-10 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw para sa mga batang edad 17 pababa. Layunin nitong maiwasan ang paglahok ng kabataan sa mga mapanganib na pagtitipon at mapanatili ang kaayusan sa lungsod.

Nagkaroon ng marahas na sagupaan sa Ayala Bridge at Mendiola kung saan ilang kabataang nakasuot ng itim na maskara at balaclava ang nakipagbanggaan sa mga pulis. 

Sa Ayala Bridge, nasugatan ang isang pulis at isang mamamahayag matapos silang batuhin ng mga demonstrador. Sinilaban din ng mga kabataan ang isang container van na nagsilbing harang ng mga awtoridad.

Sa Mendiola, kinailangan nang gumamit ng water cannon at long-range acoustic device ang mga pulis upang paalisin ang mga nagpoprotesta matapos silang pagbabatuhin ng bato, bakal, at paputok.

Ayon sa ulat ng MPD, 17 kabataan ang inaresto, kabilang ang isang 11 taong gulang.

“Ang curfew ay para sa proteksyon ng mga bata. Hindi sila dapat nasa lansangan sa mga oras ng kaguluhan,” pahayag ni Domagoso. 

Dagdag pa ng alkalde, hindi ito panunupil kundi hakbang upang maiwasan ang mas malalang insidente sa hinaharap.

(Larawan: Isko Moreno Domagoso | Facebook)