Fuente Osmeña, napuno ng mga raliyista laban sa katiwalianFuente Osmeña sa Cebu, napuno ng mga raliyista laban sa katiwalian
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-09-21 16:38:53
Cebu City — Nagdaos ng malakihang kilos-protesta ang iba’t ibang grupo sa Fuente Osmeña Circle ngayong Linggo, Setyembre 21, 2025, bilang bahagi ng sabayang protesta laban sa umano’y trilyong pisong anomalya sa mga proyekto ng flood control.
Umaga pa lamang ay nagsimulang magtipon ang mga militanteng grupo, estudyante, manggagawa, kabataan, at miyembro ng iba’t ibang sektor. Bitbit nila ang mga plakard at bandila na may mga panawagang tulad ng “Kasalawan ang Pagpikit sa Project,” “Marcos Singilin, Duterte Panagutin,” at “Dapat Managot Lahat ng Kurakot.” Ipinanawagan din nila na ang pondong nakalaan umano sa mga maanomalyang proyekto ay mas nararapat ilaan sa mga serbisyong panlipunan gaya ng edukasyon, pabahay, at kalusugan.
Makikita sa paligid ng Fuente Osmeña ang makukulay na bandila at streamer ng mga progresibong organisasyon. Ilan sa mga grupo ay nagbigay ng libreng tubig para sa mga dumalo, habang ang iba naman ay naglunsad ng cultural performances, chant, at talumpati na nagbigay-diin sa laban kontra katiwalian.
Ayon sa organizers, tinatayang higit isang libo ang lumahok sa pagtitipon sa Fuente Osmeña pa lamang, bago nagtuloy ang karamihan sa Plaza Independencia para sa nakatakdang Solidarity Rally dakong alas-4:00 ng hapon.
Mahigpit ang pagbabantay ng Cebu City Police Office, na naglagay ng karagdagang tauhan sa paligid ng rotonda at sa mga pangunahing kalsada upang tiyakin ang kaayusan ng aktibidad. Gayunpaman, nanatiling mapayapa ang kabuuan ng programa.
Binigyang-diin ng mga lider ng rally na simboliko ang Fuente Osmeña bilang sentro ng kanilang pagtitipon dahil ito ay matagal nang nagsisilbing “puso” ng Cebu at laging nagiging saksi sa mga makasaysayang pagkilos. Anila, tulad ng ikot ng rotonda, mananatiling umiikot at lalakas ang tinig ng mamamayan hanggang mapanagot ang mga nasa kapangyarihan.
Kasabay ng kilos-protesta sa Cebu, nagkaroon din ng kahalintulad na pagtitipon sa Bacolod at Iloilo bilang bahagi ng sabayang panawagan ng mga mamamayan sa buong bansa para sa hustisya, pananagutan, at pagtatapos ng katiwalian.
Larawan mula kay Liv Ocampo