Klase sa lahat ng antas suspendido sa Laguna bilang paghahanda sa super typhoon Nando
Ana Linda C. Rosas Ipinost noong 2025-09-21 20:03:24
Santa Cruz, Laguna — Naglabas ng anunsyo si Gobernadora Sol Aragones ngayong araw kaugnay ng pagsuspinde ng klase sa lahat ng antas, pampubliko man o pribadong paaralan, sa buong lalawigan ng Laguna bilang paghahanda sa pagdating ng Super Typhoon Nando.
Ayon sa gobernador, mahalagang unahin ang kaligtasan ng mga mag-aaral, guro, at kawani ng mga paaralan, lalo na’t inaasahang mararamdaman sa mga susunod na araw ang matinding pag-ulan at malalakas na hangin na dulot ng bagyo.
“Hinihiling ko ang kooperasyon ng lahat upang masiguro ang kaligtasan ng bawat Lagunense. Mas mabuting mag-ingat at maghanda kaysa magbakasakali,” ani Aragones sa kanyang pahayag.
“Dahil ang NANDO ay isa nang Super Typhoon. Ang desisyon ng iyong ina, si SOL, WALANG KLASE BUKAS.”
Nagpatawag na rin ng pagpupulong ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) upang tiyakin na handa ang mga lokal na pamahalaan, emergency response teams, at evacuation centers para sa posibleng epekto ng bagyo.
Pinayuhan din ng pamahalaang panlalawigan ang mga residente na:agarang alamin ang pinakamalapit na evacuation center. Maghanda ng sapat na pagkain, malinis na tubig, gamot, at first aid kit. Siguraduhin ang kaligtasan ng kanilang mga tahanan at iwasang lumabas kung hindi kinakailangan.
Ayon sa PAGASA, ang Southwest Monsoon (Habagat) at ang trough ni Nando ay magdadala ng malakas na ulan sa maraming bahagi ng Luzon, kasama na ang CALABARZON, kung saan kabilang ang Laguna.
Maaaring magdulot ng baha lalo sa mabababang lugar, lalo na kung sariwa pa ang tubig sa mga ilog o kanal dahil sa ulan sa mga nakaraang araw.
Flash floods posibleng mangyari sa mga barangay na malapit sa ilog o mga daluyan ng tubig.
Patuloy na maglalabas ng abiso ang PDRRMC-Laguna at ang opisina ng gobernador sa kanilang opisyal na social media accounts at lokal na radyo. Pinayuhan din ang publiko na sundin ang mga opisyal na anunsyo mula sa PAGASA at huwag basta maniwala sa mga kumakalat na hindi beripikadong impormasyon online.
larawan/gov.sol.fb