Lalaki sugatan sa Recto Avenue sa gitna ng malakas na putok, pulisya itinuturo na improvised explosive device ang pinagmulan
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-09-21 21:52:47
MANILA — Isang lalaki ang isinugod sa ospital matapos maitala ang insidente ng malakas na putok sa kahabaan ng Recto Avenue nitong Linggo, Setyembre 21, 2025, kasunod ng sagupaan sa pagitan ng mga nagpoprotesta at ilang sibilyan sa lugar.
Ayon sa isang concerned citizen na nurse, tumama ang bala sa leeg ng biktima, kaya agad siyang nakuha at nire-respondehan ng mga medical personnel. Ngunit ayon sa pahayag ng pulisya, ang tumama sa lalaki ay nagmula sa isang improvised explosive device (IED), at hindi sa baril. “Ayon sa preliminary report, ang pagsabog ay galing sa isang IED na inilagay sa lugar ng protesta,” ani isang pulis na nagbabantay sa Recto Avenue.
Nakarinig ang mga saksi ng malakas na tunog na tila putok ng baril sa kahabaan ng kalsada, dahilan upang magdulot ng takot at pangamba sa mga naglalakad at motorista sa lugar. Pansamantalang huminto ang trapiko habang isinasagawa ang rescue at initial investigation.
Ang insidente ay bahagi ng lumalalang tensyon sa Recto Avenue, kung saan naiulat ang sabay-sabay na putok at sigalot sa pagitan ng mga nagpoprotesta at ilang residente. Patuloy ang presensya ng kapulisan sa lugar upang mapanatili ang kaayusan at maiwasan ang karagdagang insidente.
“Patuloy naming iniimbestigahan ang eksaktong nangyari at pinaiigting ang seguridad sa lugar,” dagdag pa ng pulis.
Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa malinaw kung sino ang may pananagutan sa insidente at kung may kaugnayan ito sa nakaraang protesta sa kahabaan ng Recto Avenue. Patuloy na minomonitor ng Manila Police District ang sitwasyon.