Diskurso PH
Translate the website into your language:

Marcos Jr., nakatutok sa mga protesta; iginiit ang pagsunod sa batas

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-09-21 15:26:24 Marcos Jr., nakatutok sa mga protesta; iginiit ang pagsunod sa batas

SETYEMBRE 21, 2025 — Hindi lumipad patungong United Nations General Assembly si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang personal na tutukan ang mga kilos-protesta laban sa umano’y katiwalian sa mga proyekto ng flood control sa bansa. Ayon sa Malacañang, prayoridad ng Pangulo ang kapakanan ng mamamayan at ang mapayapang pagdaraos ng mga rally.

“Unang-una, to focus talaga on local issues at ito gusto niya talagang madinig personal, ano ba ang sinasabi ng taumbayan dito,” pahayag ni Press Officer Claire Castro.

Kasabay ng malawakang protesta sa Metro Manila at iba pang lungsod, nanindigan ang Pangulo na hindi hadlang ang gobyerno sa malayang pagpapahayag ng saloobin. Gayunman, iginiit ng Palasyo na dapat ay naaayon sa batas ang lahat ng pagkilos.

“Ang bilin lamang ng Pangulo, kung kayo ay magpo-protesta, karapatan niyo po ‘yan. ‘Wag lang pong lalabag sa batas,” dagdag ni Castro. 

Nagpahayag din ang Palasyo ng pagtanggap sa mga hinaing ng publiko kaugnay ng mga iregularidad sa flood control projects. Bagamat may ilang retiradong heneral na lumahok sa rally sa harap ng Camp Aguinaldo, tiniyak ng Malacañang na walang bantang kaguluhan sa hanay ng militar.

“Tiwala ang Pangulo sa ating uniformed personnel, sa mga opisyal natin. So, alam niya na ang mga tao ay hindi naman anti-PBBM kundi anti-corruption,” ani Castro. 

Muling iginiit ng Palasyo ang kahalagahan ng mapayapang pagkilos. Patuloy umanong mino-monitor ni Marcos Jr. ang mga kaganapan upang matiyak ang kaayusan at kaligtasan ng lahat.

(Larawan: Claire Santiago - Diskurso)