Mga kabataang sangkot sa gulo sa Ayala Bridge, muling naghasik ng kaguluhan sa Mendiola
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-09-21 17:31:18
SETYEMBRE 21, 2025 — Muling nagkagulo sa Mendiola, Maynila nitong Linggo ng hapon matapos sumugod ang parehong grupo ng mga kabataang may takip sa mukha na una nang nasangkot sa karahasan sa Ayala Bridge.
Bandang alas-3 ng hapon, habang papalapit sa Mendiola Peace Arch ang mga demonstrador mula sa “Baha sa Luneta” rally, biglang sumingit ang grupo ng mga kabataang may balaklava at nagsimulang maghagis ng bote, bato, bakal, at paputok sa mga pulis ng Manila Police District (MPD).
Tumugon ang mga awtoridad gamit ang water cannon, tear gas, at long-range acoustic device para paalisin ang mga nagkakagulo.
Ayon sa MPD, kapansin-pansin na ang mga kabataang sangkot sa kaguluhan sa Mendiola ay kahalintulad ng mga nagpasimuno ng gulo sa Ayala Bridge ilang oras bago ang insidente. Sa naunang komprontasyon, dalawang katao ang nasaktan — isang pulis at si DzBB reporter Manny Vargas, na parehong tinamaan ng bato.
Sa parehong insidente, bitbit ng mga kabataan ang watawat ng Pilipinas at bandila ng Straw Hat Pirates mula sa anime na “One Piece,” na ginagamit na simbolo ng protesta laban sa katiwalian sa ilang bansa gaya ng Nepal at Indonesia.
Labimpitong kabataan ang inaresto ng pulisya, kabilang ang isang 11 taong gulang. Patuloy ang imbestigasyon kung may mas malalim na ugnayan ang grupo sa mga opisyal na demonstrador o kung may nagsusulsol sa kanila para maghasik ng gulo.
Pansamantalang isinara ang Mendiola Street, na nag-uugnay sa Legarda, Claro M. Recto Avenue, at Jose P. Laurel Street patungong Malacañang, habang pinapakalma ang sitwasyon.
Nagbabala ang mga awtoridad na paiigtingin ang seguridad sa mga susunod na araw upang maiwasan ang pag-ulit ng ganitong insidente, lalo na kung may kinalaman ang mga menor de edad.
(Larawan: YouTube)