Mga naka-maskarang kabataan, nagkagulo sa may Mendiola — trailer, sinunog!
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-09-21 16:07:07
SETYEMBRE 21, 2025 — Nagkagirian ang mga naka-maskarang kabataan at pulis sa Ayala Bridge, Maynila nitong Linggo ng hapon matapos subukang marating ang Mendiola, ilang metro lamang mula sa Malacañang.
Nagsimula ang tensyon nang sindihan ng ilang kabataang lalaki ang mga gulong sa harap ng isang container van na nagsilbing harang ng mga awtoridad. Kasunod nito, sunod-sunod na bato, bote, pintura, at iba pang mga bagay ang inihagis sa hanay ng mga pulis na nakasuot ng riot gear.
Sa kabila ng makapal na usok at agresibong kilos ng mga nagpoprotesta, nanatiling nakapuwesto ang mga pulis at hindi gumanti. Sa halip, paulit-ulit silang nanawagan ng kalma sa mga kabataan.
Isang trailer ang tuluyang nasunog habang sinusubukang sunugin pa ang isa pang sasakyan. Isang motorsiklo rin ang nadamay sa apoy. Nagkaroon ng pagsabog sa lugar, ngunit hindi pa matukoy ang pinagmulan.
Ayon pa kay DZBB reporter Manny Vargas, may mga menor de edad umano na nagsabi na gusto nilang sunugin ang Malacañang.
Si Vargas ay tinamaan ng bato sa mukha habang nag-uulat nang live sa Facebook. Ilang pulis naman ang nabasa ng malansang likido na dumikit sa kanilang uniporme.
Bandang tanghali, ilang grupo mula sa rally sa Luneta ang tumulak patungong Mendiola. Dito na nagsimula ang kaguluhan.
Ilan sa mga kabataan ay may dalang watawat ng Pilipinas, habang ang iba ay may itim na bandila na may simbolo ng Straw Hat Pirates mula sa anime na One Piece.
Sa gitna ng kaguluhan, ilang pulis ang nakipagbuno sa mga nagpoprotesta. May isang lalaki ang kinuyog at hinila palayo ng mga awtoridad. Habang ang iba ay nagsitakbo, may mga bumalik at muling nakipagsagutan.
Sa follow-up report, tinatayang sampung katao ang inaresto. Dalawa sa kanila ang kinumpirma ng pulisya na kabilang sa mga nagprotesta. Nakahandusay sa kalsada ang ilang lalaki habang binabantayan ng mga pulis.
Agad namang rumesponde ang mga bumbero upang apulahin ang apoy sa trailer.
(Larawan: YouTube)