Mga pari, madre, at estudyante nakiisa sa EDSA protest kontra korapsyon
Ana Linda C. Rosas Ipinost noong 2025-09-21 14:36:08
MANILA — Nagsama-sama ang mga pari, madre, estudyante, at iba pang sektor ng lipunan ngayong Linggo sa EDSA People Power Monument upang ipanawagan ang pananagutan ng mga tiwaling opisyal ng gobyerno.
Bitbit ang paniniwala na “masama ang magnakaw at pagiging sakim ay laban sa utos ng Diyos,” nanawagan ang mga dumalo na managot ang mga nasa posisyon na sangkot sa katiwalian at igalang ang mga mamamayang tapat na nagbabayad ng buwis.
Ayon sa organizers, ang pagkilos ay isinagawa alinsunod sa panawagan ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) president at Kalookan Bishop Cardinal Pablo Virgilio “Ambo” David, na nanindigang tungkulin ng Simbahan na magsalita laban sa katiwalian.
Nagpahayag din ng suporta ang iba pang mga obispo mula sa iba’t ibang lalawigan. Kabilang dito sina Kabankalan City Bishop Louie Galbines at San Carlos City Bishop Gerardo Alminaza, na parehong nanawagan sa kanilang mga nasasakupan na makiisa sa tinaguriang “Trillion Peso March” sa Bacolod City sa darating na Setyembre 21, 2025.
At kahit sa ibat ibang Diocese at parokya, pinapakita nila ang kanilang pakikiisa kontra korapsyon sa lipunan, sa pamamagitan ng kanilang homiliya sa pagdadaos ng kanilang misa, batikos sa pamahalaan at opisyales na ganid at walang pangkundangan sa pagaangkin ng yaman mula sa buwis ng mamamayan.
Mariin ding iginiit ng mga kalahok na ang kanilang pagkilos ay hindi lamang para sa kasalukuyang henerasyon kundi para sa kinabukasan ng bansa, at panawagan na seryosohin ng pamahalaan ang isyu ng korapsyon na patuloy na nagpapahirap sa mga mamamayan.
Nanatiling mapayapa ang protesta sa EDSA, na tinitingnan ng mga lider-relihiyoso bilang pagpapatuloy ng diwa ng People Power laban sa kawalan ng katarungan at katiwalian.
larawan/google