Diskurso PH
Translate the website into your language:

PNP, nanawagan ng katahimikan matapos ang tensyon sa kilos-protesta sa Maynila

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-09-21 19:44:09 PNP, nanawagan ng katahimikan matapos ang tensyon sa kilos-protesta sa Maynila

MANILA — Naglabas ng pahayag ang Philippine National Police (PNP) nitong Linggo, Setyembre 21, 2025, matapos sumiklab ang tensyon sa isinagawang kilos-protesta laban sa katiwalian sa Mendiola, Maynila.


Ayon sa PNP, nakatanggap sila ng mga ulat ng pambabato at pagsunog ng isang trailer truck sa Ayala corner Romualdez, Mendiola, kung saan tinatayang nasa 300 hanggang 400 katao ang nagtipon. Agad rumesponde ang mga bumbero at pulis upang maapula ang apoy at maayos ang sitwasyon.


Labingpitong indibidwal na umano’y responsable sa kaguluhan ang naaresto at kasalukuyang nasa kustodiya ng Manila Police District. Ipinahayag ng PNP na nakahanda na ang mga kasong isasampa laban sa mga sangkot.


Binigyang-diin ng pulisya ang kanilang paggalang sa karapatan ng publiko na magdaos ng mapayapang pagtitipon, ngunit nanawagan sila na iwasan ang anumang marahas na aksyon na maaaring magbanta sa kaligtasan ng iba at makasira sa layunin ng mga nagpoprotesta.


“The PNP remains committed to safeguarding both the public and demonstrators. We will continue to exercise maximum tolerance, but we will also act against anyone who causes harm or damages property,” bahagi ng pahayag ng pulisya.


Dagdag pa ng PNP, pananagutin sa batas ang lahat ng mapatutunayang sangkot sa kaguluhan.