Diskurso PH
Translate the website into your language:

Vice Ganda kay PBBM: ‘ipakulong mo ang lahat ng magnanakaw’

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-09-21 18:06:15 Vice Ganda kay PBBM: ‘ipakulong mo ang lahat ng magnanakaw’

SETYEMBRE 21, 2025 — Nagpakita ng tapang si Vice Ganda sa gitna ng protesta noong Setyembre 21 sa People Power Monument sa EDSA, kung saan libu-libong mamamayan ang nagtipon upang kondenahin ang umano’y katiwalian sa mga proyekto ng gobyerno.

Sa harap ng mga nagpoprotesta, diretsahang hinamon ng komedyante si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na papanagutin ang mga tiwaling opisyal sa pamahalaan.

“Para magkaroon ng magandang legasiya ang pangalan mo, ipakulong mo ang lahat ng magnanakaw,” ani Vice Ganda. 

“Nakatingin kami sa 'yo Pangulong Marcos at inaasahan ka namin, hindi dahil sa idol ka namin, kundi dahil sinuswelduhan ka namin at inaasahan namin na tutuparin mo ang inuutos naming mga employer mo,” dagdag pa niya. 

Suot ni Vice ang isang puting t-shirt na may nakadikit na plakard na may pulang titik: “DPWH Department na Puro Walang Hiya.” Ibinahagi niya ito sa kanyang Instagram story bilang bahagi ng kanyang pakikiisa.

Kabilang si Vice sa mga personalidad na lumahok sa dalawang malalaking kilos-protesta: ang “Baha sa Luneta: Aksyon na Laban sa Korapsyon” sa Rizal Park, at ang “Trillion Peso March” sa EDSA. Ang mga pagtitipon ay bunga ng galit ng publiko sa mga ulat ng anomalya sa flood control projects na kasalukuyang iniimbestigahan sa Kongreso at Senado.

Nagtipon ang mga mamamayan upang ipahayag ang kanilang pagkadismaya sa pamahalaan, dala ang panawagan para sa transparency, accountability, at hustisya. Sa gitna ng mga placard, sigaw, at panawagan, malinaw ang mensahe: panahon na para papanagutin ang mga nasa kapangyarihan.

(Larawan: @praybeytbenjamin | Instagram)