VP Sara: mga bansang handang kumupkop kay Duterte, nadagdagan na naman
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-09-21 19:10:12
SETYEMBRE 21, 2025 — Isang hindi pinangalanang bansa ang pumayag na pansamantalang tumanggap kay dating Pangulong Rodrigo Duterte habang nakabinbin ang hiling na interim release sa International Criminal Court (ICC), ayon kay Vice President Sara Duterte.
Sa pagtitipon ng mga Pilipino sa Japan noong Setyembre 20, kinumpirma ni VP Sara na may “third country” nang pumayag na maging host kay Duterte, na kasalukuyang nakakulong sa The Hague, Netherlands dahil sa mga kasong crimes against humanity kaugnay ng madugong kampanya kontra droga.
“Kung makikita niyo sa ICC website, meron ng third country doon. Meron ng isang bansa na nagsabi na ‘Okay lang,’ na ‘Dito ninyo ilagay si Dating Pangulong Rodrigo Duterte’,” pahayag ni VP Sara.
Hindi binanggit ang pangalan ng naturang bansa, ngunit nilinaw niyang hindi ito Japan. Nauna nang tumanggi ang Australia na maging pansamantalang host.
Ayon kay VP Sara, siya mismo ang nakipag-ugnayan sa mga kontak sa ibang bansa dahil wala raw siyang mapagkakatiwalaan sa Pilipinas.
“Ginamit ko ang aking mga nakilala sa labas ng Pilipinas dahil sa aking trabaho, nakiusap ako sa kanila na tulungan ninyo kami,” aniya.
Noong Hunyo, naghain ang abogado ni Duterte ng kahilingan sa ICC para sa pansamantalang paglaya, iginiit na hindi siya flight risk at hindi dapat manatili sa pre-trial detention.
Tinutulan ito ng Office of the Prosecutor ng ICC sa dokumentong may petsang Agosto 28. Giit nila, kailangan ang patuloy na pagkakakulong upang matiyak ang pagdalo ni Duterte sa paglilitis, maiwasan ang posibleng panghihimasok sa imbestigasyon, at maprotektahan ang mga testigo.
Dalawang organisasyong Pilipino na tumutulong sa mga pamilya ng mga biktima ng drug war ang nagpahayag ng pagtutol sa interim release, dahil sa banta sa seguridad ng mga testigo at posibilidad ng panghihimasok sa kaso.
Si Duterte ay dinala sa The Hague noong Marso upang harapin ang mga kaso. Ayon sa pulisya, nasa 6,000 ang nasawi sa anti-drug operations, ngunit tinatayang nasa 30,000 ang kabuuang bilang ayon sa mga human rights group.
Sinabi ng abogado ni Duterte, si Nicholas Kaufman, na ang dating pangulo ay “illegally detained” at dapat ibalik sa Pilipinas sa lalong madaling panahon.
(Larawan: Philippine News Agency)