Lalaking tinangay ng malakas na agos ng tubig dahil sa bagyong Nando, nailigtas sa Ilocos Sur
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-09-22 22:51:58
ILOCOS SUR — Makapigil-hininga ang isang pagsagip na nasaksihan ng mga residente sa Brgy. Banat, Sta. Cruz, Ilocos Sur matapos tangayin ng rumaragasang tubig-baha ang isang lalaki ngayong Lunes, Setyembre 22, 2025, sa kasagsagan ng pananalasa ng Super Typhoon Nando (RAGASA).
Sa video na kuha ng isang residente, makikitang tinangay ng malakas na agos ang lalaki patungo sa gitna ng ilog. Mabilis na nagtulong-tulong ang mga residente, naghagis ng lubid, at buong tapang na bumaba sa gilid ng baha upang mahatak siya pabalik sa ligtas na lugar. Sa kabutihang palad, matagumpay na nailigtas ang lalaki mula sa tiyak na kapahamakan.
Ayon sa lokal na awtoridad, patuloy na binabantayan ang sitwasyon sa Ilocos Sur na kasalukuyang nasa ilalim pa rin ng Wind Signal No. 2 dahil sa lakas ng hanging dala ni Nando. Bukod sa matinding ulan, nagdulot din ito ng pagbaha sa ilang barangay at panganib ng landslide sa mga bulubunduking lugar.
Pinaalalahanan naman ng lokal na pamahalaan ang publiko na manatiling alerto, huwag tumawid sa mga rumaragasang ilog at sapa, at makipag-ugnayan sa mga barangay at rescue teams sakaling kailanganin ng agarang tulong.
Sa kabila ng panganib, muling ipinakita ng mga residente ng Sta. Cruz ang diwa ng bayanihan at tapang sa harap ng kalamidad.
(Larawan: Richard Fatima Andaya / Fb)