Diskurso PH
Translate the website into your language:

Bwelta ni Romualdez sa speech ni Chiz: 'profession of loyalty' lang yan kay VP Sara

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-09-29 18:45:30 Bwelta ni Romualdez sa speech ni Chiz: 'profession of loyalty' lang yan kay VP Sara

SETYEMBRE 29, 2025 — Hindi umano pagsisiwalat ng katiwalian kundi pagpapakita ng katapatan kay Bise Presidente Sara Duterte ang laman ng privilege speech ni Senador Francis “Chiz” Escudero, ayon kay Leyte Rep. Martin Romualdez.

Sa pahayag nitong Lunes, Setyembre 29, iginiit ni Romualdez na ang talumpati ni Escudero ay tila bahagi ng “DDS script” na matagal nang umiikot sa social media. 

“I listened to the privilege speech of Sen. Chiz Escudero. With respect, what we heard was not an exposé but a DDS script — the same recycled accusations we have long seen on troll pages and social media posts,” ani Romualdez. 

(Pinakinggan ko ang privilege speech ni Sen. Chiz Escudero. Sa totoo lang, hindi ito pagsisiwalat kundi bahagi ng DDS script — parehong lumang akusasyon na matagal nang umiikot sa troll pages at social media.)

Giit pa ng kongresista, hindi ang katotohanan ang layunin ng senador kundi ang pagposisyon bilang kaalyado ni Duterte para sa halalan sa 2028. Aniya, ang talumpati ay “performance” na may layuning magpakitang-gilas sa Bise Presidente.

Matatandaang sa araw din na ito ay binanatan ni Escudero si Romualdez at sinabing ito umano ang nasa likod ng “sarswela” na layong ilihis ang isyu ng flood control kickbacks na kinasasangkutan ng ilang kongresista. Ayon sa senador, ginagamit ang Senado bilang panakip sa mga kontrobersiyang bumabalot sa Kamara.

Hindi ito pinalampas ni Romualdez. 

“Walang bago, at wala ring katotohanan,” tugon niya sa mga paratang ni Escudero. 

Dagdag pa niya, imbes na sagutin ang mga akusasyon sa kanya, pinili ng senador na ibaling ang usapan.

“Instead of answering the serious questions he himself must face, Sen. Escudero chose to deflect. He did not deny the allegations against him. He did not explain his own role in flood-control kickbacks. Imbes na magpaliwanag, nanisi siya,” ani Romualdez. 

(Sa halip na sagutin ang mga seryosong tanong na dapat niyang harapin, pinili ni Sen. Escudero na umiwas. Hindi niya itinanggi ang mga paratang. Hindi rin niya ipinaliwanag ang papel niya sa flood-control kickbacks. Imbes na magpaliwanag, nanisi siya.)

Sa huli, tiniyak ni Romualdez ang kanyang pakikiisa sa anumang patas na imbestigasyon. 

“Wala akong itinatago,” aniya. 

Dagdag pa niya, kung tunay na pananagutan ang hangad ni Escudero, “sa presinto na siya magpaliwanag.”

(Larawan: Philippine News Agency)