Gobyerno ni Marcos, binatikos ni Sara: ‘unstable’
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-09-29 18:42:39
SETYEMBRE 29, 2025 — Sa gitna ng mga alegasyon ng katiwalian sa hanay ng mga mambabatas, binigyang-diin ni Pangalawang Pangulo Sara Duterte na hindi na matatag ang kasalukuyang administrasyon, kasabay ng pagbatikos sa umano’y pag-abuso sa mga institusyon ng pamahalaan.
“No. Our institutions are clearly abused. They are used for personal gain,” pahayag ni Duterte sa isang press conference sa Senado.
(Hindi. Lantaran nang inaabuso ang mga institusyon. Ginagamit ito para sa pansariling interes.)
Dumalo si Duterte sa deliberasyon ng Senate finance subcommittee para sa panukalang ₱902.8 milyong budget ng Office of the Vice President (OVP) para sa taong 2026. Inaprubahan ito ng komite sa loob lamang ng halos isang oras.
Aniya, walang makabuluhang proyekto ang nakikita niyang naipatupad sa ilalim ng administrasyong Marcos.
“We have already seen the testimony of witnesses about corruption and there is practically nothing happening in our country,” dagdag pa niya.
(Narinig na natin ang mga testigo sa katiwalian at halos wala talagang nangyayari sa bansa.)
Binanggit din ni Duterte ang pangakong “unity and continuity” noong kampanya, na aniya’y hindi natupad.
“The expectation before was that there will be continuity of the ‘Build, Build, Build’ project and other programs started by PRRD but we saw nothing,” giit niya.
(Ang inaasahan noon ay magpapatuloy ang ‘Build, Build, Build’ at iba pang programa ni PRRD pero wala kaming nakita.)
Tumanggi naman siyang magkomento sa morale ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
“I don’t know about that. I can’t speak regarding the morale of the soldiers. Probably, it’s best if they speak for themselves,” sagot niya.
(Hindi ko alam. Hindi ako makapagsalita tungkol sa morale ng mga sundalo. Siguro mas mabuting sila na ang magsalita.)
Samantala, mariing pinabulaanan ng AFP ang mga kumakalat na tsismis ukol sa umano’y coup plot na sinusuportahan ng CIA at Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr.
Laman ng kanilang pahayag: “The AFP remains loyal to the Constitution and will follow the chain of command. It is fully committed to defending the Republic — not betraying it.”
(Nananatiling tapat ang AFP sa Konstitusyon at susunod sa chain of command. Buo ang aming paninindigan sa pagtatanggol sa Republika — hindi pagtataksilan ito.)
Taliwas sa pahayag ni Duterte, iginiit ni Executive Secretary Lucas Bersamin na nananatiling “very stable” ang gobyerno.
Sinang-ayunan ito ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na nagsabing: “Isang malalaking kasinungalingan na naman 'to.”
(Larawan: Senate of the Philippines | Facebook)