Diskurso PH
Translate the website into your language:

‘Huwag maniwala sa sarswela!’ Romualdez, itinuro ni Escudero na utak ng flood control ‘script’

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-09-29 17:48:50 ‘Huwag maniwala sa sarswela!’ Romualdez, itinuro ni Escudero na utak ng flood control ‘script’

SETYEMBRE 29, 2025 — Binulabog ni Senador Chiz Escudero ang Senado nitong Lunes matapos niyang direktang ituro si Leyte Rep. Martin Romualdez bilang utak ng umano’y “sarswela” na layong ilihis ang isyu ng korapsyon sa flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Sa kanyang privilege speech, iginiit ni Escudero na sinasadya raw ang pagbanggit ng pangalan ng mga senador sa mga imbestigasyon upang mailayo ang mata ng publiko sa mga kongresistang sangkot sa anomalya.

“Banggit sila nang banggit, namedrop sila nang namedrop ng pangalan ng senador ... Lahat ito, para lang ipako ang mga senador sa media at sa publiko at ilayo ang atensyon sa Kamara at mga congressman,” ani Escudero. 

Ayon sa senador, walang matibay na ebidensyang direktang nag-uugnay sa mga senador sa kontrobersya, ngunit tila sila ang ginagawang “fall guy” upang maprotektahan ang mga nasa Kamara.

“Ginagawang panakip-butas at fall guy ang mga Senador palayo sa Kamara at sa mga tunay na maysala,” giit niya. 

Hindi rin pinalampas ni Escudero ang umano’y papel ni Romualdez sa paglalabas ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte. Aniya, ginamit ito bilang paraan upang ma-release ang mga pondong naka-FLR o “for later release” bago ang halalan.

“Ang pag-file ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte ay ginamit na paraan ni Romualdez para mag-release ng pondo nila na naka-FLR o for later release bago mag-eleksiyon maski na alam po niya na hindi ito kayang talakayin ng Senado hanggang sa Hunyo mula’t simula pa,” pahayag ni Escudero. 

Binigyang-diin ni Escudero na may iisang tao lang umano ang nasa likod ng lahat ng kaguluhan, paninira, at pagkakawatak-watak sa pagitan ng mga mambabatas.

“Iisa lang ang nasa likod ng script at sarswelang ito. Siya ang dahilan ng kaguluhan, pagkakaaway-away, pagkakawatak-watak ... maprotektahan lang ang sarili niya ... Martin Romualdez,” pagsiwalat ng senador. 

Hindi pa nagbibigay ng pahayag si Romualdez kaugnay sa mga akusasyon ni Escudero. Samantala, nanawagan ang senador sa publiko na maging mapanuri sa mga isyung inilalabas sa media at huwag basta-basta maniwala sa mga “scripted” na eksena.

Panawagan ng senador sa Facebook: “Huwag magpadala, huwag sabayan, at huwag maniwala sa sarswela na nilalako ni Martin Romualdez!”

Sa ngayon, nananatiling mainit ang bangayan sa pagitan ng Senado at Kamara, habang patuloy ang pagbusisi sa mga proyekto ng DPWH na may kinalaman sa flood control.

(Larawan: YouTube)