Diskurso PH
Translate the website into your language:

Zaldy Co, tuluyan nang nagbitiw sa Kongreso!

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-09-29 16:30:13 Zaldy Co, tuluyan nang nagbitiw sa Kongreso!

SETYEMBRE 29, 2025 — Nagbitiw na si Ako Bicol Rep. Zaldy Co sa kanyang puwesto sa Kamara sa gitna ng lumalalang iskandalo sa mga flood control project sa Mindoro at Bulacan. Sa kanyang liham kay House Speaker Faustino Dy III, iginiit ni Co ang agarang bisa ng kanyang “irrevocable resignation” dahil sa “real, direct, grave and imminent threat” sa kanyang pamilya at sa umano’y “evident denial of my right to due process of law.” 

(Tunay, direkta, malubha at nalalapit na banta sa aking pamilya at malinaw na paglabag sa aking karapatang legal.)

“Mabigat man sa aking puso, ako’y nagpaabot ng aking pagbibitiw bilang Kinatawan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso,” pahayag ni Co sa Facebook. “Sa loob ng aking panunungkulan, aking sinikap na maging kasurog ng bawat Pilipino, lalo na ng ating mga kababayan sa Bicol.”

“Ang desisyong ito ay hindi naging madali, ngunit ito ay aking tinimbang nang mabuti para sa ikabubuti ng aking pamilya at ng mga taong patuloy kong pinaglilingkuran,” dagdag pa niya. “Maraming salamat sa pagsuporta.”

Kasunod ito ng rekomendasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na kasuhan si Co at ilang opisyal ng DPWH Region IV-B kaugnay ng P290-milyong flood control project sa Naujan, Oriental Mindoro. Ayon sa ICI, may mga substandard na materyales at pekeng dokumento sa proyekto, kabilang ang steel sheet piles na kulang sa haba at mga litrato na ginamit nang paulit-ulit sa billing.

Tinukoy ni DPWH Secretary Vince Dizon si Co bilang founder ng Sunwest Inc., ang contractor sa lima sa pitong flood control project na tinaguriang depektibo. 

“Diretsahan na lang tayo. Si Congressman Zaldy Co ay founder ng Sunwest,” ani Dizon. 

Bukod sa Mindoro, lumutang din ang pangalan ni Co sa Senate hearings kaugnay ng umano’y P35-bilyong budget insertions para sa flood control sa Bulacan. Isang dating DPWH engineer ang nagsabing may kickback na P1 bilyon na isinilid sa 20 malalaking maleta at dinala sa penthouse ni Co sa Taguig.

Samantala, kinumpirma ng DOJ ang pag-apply ng Interpol “Blue Notice” upang matunton ang kinaroroonan ni Co.

(Larawan: Rep. Zaldy Co | Facebook)