DOJ, iniimbestigahan ang pamilya Villar sa ₱18-B proyekto
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-10-01 21:27:47
Oktubre 1, 2025 – Isasama na rin ng Department of Justice (DOJ) sa kanilang imbestigasyon ang umano’y ₱18-bilyong halaga ng mga proyekto na konektado sa pamilya Villar, ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla.
Kabilang sa mga susuriin ang naging papel ni Senador Mark Villar, na nagsilbing kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) mula 2016 hanggang 2021. Kaugnay ito ng posibleng conflict of interest matapos mapunta umano sa isang kaanak ang ilang kontrata ng ahensya.
“That prohibited interest, it really has to stop. Isa lang yan—marami yan, it’s all over the Philippines,” pahayag ni Remulla.
Saklaw rin ng imbestigasyon ang iba pang miyembro ng pamilya Villar, kabilang sina dating Senador Cynthia Villar at ang anak nitong si Senadora Camille Villar, dahil sa umano’y “related interests” sa mga kontrata.
Hindi lamang mga flood control projects sa Las Piñas ang titingnan ng DOJ, kundi pati mga proyektong may kinalaman sa pagtatayo ng mga paaralan, kalsada, asphalt overlay, at revetments sa iba’t ibang lugar.