Diskurso PH
Translate the website into your language:

Mga kabataan, nagdaos ng Anti-Corruption Rally sa San Pablo;matinding trapiko dinaing ng mga motorista

Ana Linda C. RosasIpinost noong 2025-10-04 08:11:12 Mga kabataan, nagdaos ng Anti-Corruption Rally sa San Pablo;matinding trapiko dinaing ng mga motorista

San Pablo City — Nagtipon ang daan-daang kabataan sa Plaza Rizal, sa tapat ng San Pablo Cathedral  kagabi upang magsagawa ng isang rally laban sa korapsyon.

Bitbit ang mga plakard at bandila, binigyang-diin ng mga raliyista ang isa sa mga utos ng Diyos na “Huwag magnanakaw”, na kanilang iniuugnay sa mga isyu ng katiwalian sa pamahalaan. Ayon sa mga lider-kabataan, layunin nilang iparating ang panawagan para sa isang gobyernong tapat at walang bahid ng pandarambong.

“Hindi lamang ito usapin ng pulitika. Usapin ito ng moralidad at pananampalataya. Ang korapsyon ay isang uri ng pagnanakaw na salungat sa utos ng Diyos,” pahayag ng isa sa mga tagapagsalita ng grupo.

Gayunpaman, hindi naging maayos ang daloy ng trapiko sa paligid ng plaza. Umabot ng ilang oras ang pagsisikip ng kalsada, dahilan upang magreklamo ang ilang motorista. Marami sa kanila ang naghayag ng pagkadismaya at pagkagalit sa mga raliyista dahil sa abalang dulot ng pagtitipon. May ilang netizen ang nagpahayag ng kanilang saloobin:

-Dun kayo mag rally sa mga tapat ng mansion na corrupt. Istorbo lang kayo dyan!,


-Sa tagal ng panahon na nanahimik ang San Pablu’y, Kabataan na lang talaga ang pag asa ng bayan. Mabuhay ang mga kabataang lumalaban! Lahat ng sangkot dapat managot.


Ayon sa ilang residente, bagama’t maganda ang layunin ng mga kabataan, mas makabubuti umanong isagawa ang kanilang kilos-protesta sa paraang hindi nakakaabala sa daloy ng trapiko at sa pang-araw-araw na gawain ng mga mamamayan.

Sa kabila ng mga reklamo, tiniyak ng mga kabataang nag-organisa na magpapatuloy ang kanilang panawagan laban sa korapsyon, na anila’y hindi lamang laban ng iilan, kundi laban ng buong sambayanan.

larawan/spcfbpage