Diskurso PH
Translate the website into your language:

Cayetano iminungkahi ang malawakang pagbitiw ng mga opisyal, ‘snap election’

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-10-05 19:27:19 Cayetano iminungkahi ang malawakang pagbitiw ng mga opisyal, ‘snap election’

OKTUBRE 5, 2025 — Isinusulong ni Senador Alan Peter Cayetano ang ideya ng sabayang pagbitiw ng mga pangunahing opisyal ng bansa — mula Pangulo hanggang Kongreso — bilang tugon sa lumalalang kawalan ng tiwala ng publiko sa pamahalaan.

Sa isang Facebook post nitong Oktubre 5, iginiit ni Cayetano na ang mga pulitiko ngayon ay hindi na basta-basta tinatanggap ng taumbayan. 

“People have lost trust in government and government officials. Honestly, who can blame them?” aniya. 

(Nawala na ang tiwala ng mga tao sa gobyerno at mga opisyal. Sa totoo lang, masisisi mo ba sila?)

Bilang panukala, iminungkahi niyang isagawa ang isang snap election kung saan hindi papayagang tumakbo ang sinumang kasalukuyang nakaupo sa isang buong cycle ng halalan. Sa ganitong paraan, aniya, magkakaroon ng malinis na panimula para sa bansa.

Hindi kasama sa mungkahi ang mga gobernador, alkalde, at barangay chairman, na ayon sa senador ay “generally trusted” ng publiko. Naniniwala siyang magpapatuloy ang takbo ng gobyerno sa tulong ng umiiral na burukrasya.

Ang pahayag ni Cayetano ay kasabay ng mga imbestigasyong isinasagawa kaugnay ng umano’y katiwalian sa mga flood control projects. Mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nagsabing 20% ng P545-bilyong pondo para sa naturang mga proyekto ay napunta lamang sa 15 kontratista — isang “disturbing assessment” ayon sa pangulo.

Bunsod nito, nagsimula na ang mga hiwalay na imbestigasyon sa Senado at Kamara. Bukod pa rito, binuo na rin ang Independent Commission for Infrastructure upang magsagawa ng sariling pagsisiyasat sa mga iregularidad sa paggamit ng pondo.

Matatandaang ang snap election ay isang biglaang halalan na karaniwang isinasagawa sa panahon ng krisis o matinding pagdududa sa pamahalaan. Isa sa pinakatanyag na halimbawa nito ay ang halalan noong Pebrero 1986 sa pagitan nina Ferdinand Marcos Sr. at Corazon Aquino, na nauwi sa EDSA People Power Revolution.

Sa panukala ni Cayetano, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng sakripisyo mula sa mga lingkod-bayan. 

“If we truly serve them, then starting over shouldn’t scare us. Because real change starts with radical honesty — and the courage to admit when it’s time to step aside,” aniya. 

(Kung tunay tayong naglilingkod sa kanila, hindi dapat tayo matakot magsimula muli. Dahil ang tunay na pagbabago ay nagsisimula sa radikal na katapatan — at sa tapang na aminin kung kailan dapat nang umatras.)

Bagamat hindi pormal na panukala, umani ito ng sari-saring reaksyon mula sa publiko — mula sa pagsang-ayon hanggang sa pagdududa sa posibilidad ng ganitong hakbang.

(Larawan: Senate of the Philippines | Facebook)