Diskurso PH
Translate the website into your language:

Lacson, pinag-iisipang bumitiw sa posisyon sa blue ribbon — pagdinig sa Senado, supendido muna

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-10-05 12:59:59 Lacson, pinag-iisipang bumitiw sa posisyon sa blue ribbon — pagdinig sa Senado, supendido muna

OKTUBRE 5, 2025 — Nagbabadya ang posibleng pagbaba ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson bilang pinuno ng Senate blue ribbon committee matapos umalingawngaw ang umano’y pagkadismaya ng ilang senador sa kanyang pamumuno.

Sa panayam ng Super Radyo dzBB, inamin ni Lacson na pinag-iisipan na niyang bumitiw sa posisyon. 

“Kung nagkukulang na ng pagtitiwala ang aking kasamahan, especially kung mas marami sa kanila, hindi na masaya sa pagha-handle sa akin sa blue ribbon, naisip ko na maybe stepping down is an option,” aniya.

Bagamat wala pang pormal na hakbang, kinumpirma ni Lacson na gumagawa na siya ng liham para kay Senate President Vicente Sotto III kaugnay ng kanyang intensyon. Ang desisyong ito ay bunsod ng mga pahiwatig ng ilang senador gaya nina JV Ejercito at Sherwin Gatchalian na tila hindi na sang-ayon sa kanyang istilo ng pamumuno.

Matatandaang si Lacson ay pumalit kay Senador Rodante Marcoleta bilang chairman ng blue ribbon committee noong nakaraang buwan, kasunod ng pagkakahalal kay Sotto bilang bagong Senate President kapalit ni Senador Chiz Escudero.

Sa gitna ng kontrobersiya, kinansela ni Lacson ang nakatakdang pagdinig ng komite sa Oktubre 8 hinggil sa mga iregularidad sa flood control projects. 

Ang nasabing pagdinig ay hiling ni Ejercito upang ipatawag si dating DPWH Mimaropa regional director Gerald Pacanan, isa sa sampung opisyal ng DPWH na pinadalhan ng show-cause order ni Secretary Vince Dizon dahil sa umano’y magarbong pamumuhay at mga proyekto umanong palpak.

Bukod pa rito, sinabi ni Lacson na hindi pa handa ang mga dokumentong inaasahang magbibigay-linaw sa mga alegasyon. Kabilang dito ang affidavit ng mga Discaya at ang imbestigasyon sa umano’y pekeng notarized document na kinasasangkutan nina TSgt Orly Guteza at Atty. Petchie Espera. 

Si Guteza, dating aide ni Ako Bicol Rep. Zaldy Co, ay nagsabing naghatid siya ng pera sa ilang mambabatas — isang pahayag na ikinagulat ng marami sa nakaraang pagdinig.

Sa ngayon, nakabitin ang kapalaran ni Lacson sa komite — nakasalalay sa tiwala ng kanyang mga kapwa senador.

(Larawan: Senate of the Philippines | Facebook)