Panukalang house arrest kay Duterte, tinuligsa bilang hakbang sa 2028 kampanya ni Sara
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-10-05 12:58:23
OKTUBRE 5, 2025 — Mariing kinuwestiyon ng grupong In Defense of Human Rights and Dignity Movement (iDEFEND) ang intensyon sa likod ng panukalang house arrest para kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, kasunod ng resolusyong ipinasa ng Senado na humihiling sa International Criminal Court (ICC) na isailalim siya sa ganitong kondisyon.
Sa botong 15-3-2, inaprubahan ng Senado ang resolusyon, ngunit iginiit ng iDEFEND na hindi ito para sa kapakanan ng kalusugan ni Duterte kundi bahagi ng estratehiya ni Vice President Sara Duterte para sa halalan sa 2028.
“Sara Duterte needs her father Rodrigo Duterte to be in the Philippines to ensure her win in 2028. This is not about bringing a sick old man home, but a political strategy towards the presidency,” pahayag ng iDEFEND.
(Kailangan ni Sara Duterte ang kanyang ama na si Rodrigo Duterte sa Pilipinas para masigurado ang kanyang panalo sa 2028. Hindi ito tungkol sa pag-uwi ng maysakit na matanda, kundi isang estratehiyang pulitikal patungo sa pagkapangulo.)
Ayon sa grupo, humihina na ang UniTeam ni Sara Duterte dahil sa sunod-sunod na kontrobersiya — kabilang ang mga reklamong impeachment, mga kaso sa Ombudsman, at mga alegasyon ng katiwalian sa ilang proyekto ng gobyerno.
Binanggit din ng iDEFEND na hindi sapat ang kasalukuyang performance ng Bise Presidente upang makabawi sa tiwala ng publiko, kaya’t nakikita umano niyang kailangang ibalik ang presensiya ng kanyang ama upang muling makakuha ng suporta.
“Otherwise, assuming the court follows its schedule, Duterte would be in the middle of a trial while his daughter could be in the middle of a presidential campaign period,” babala ng iDEFEND.
(Kung susundin ng korte ang iskedyul nito, si Duterte ay nasa gitna ng paglilitis habang ang kanyang anak ay nasa gitna ng kampanya para sa pagkapangulo.)
Sa panawagan ng grupo, iginiit nilang dapat manaig ang proseso ng hustisya at hindi maimpluwensiyahan ng ingay ng pulitika.
“Let us not be side-tracked by all the noise. iDEFEND calls for the wheels of justice to turn without delay.”
(Huwag tayong magpalihis sa ingay. Nanawagan ang iDEFEND na hayaang umikot ang gulong ng hustisya nang walang antala.)
(Larawan: Philippine News Agency)