Panukalang ipasa na ang Philippine Building Act, muling iginiit matapos yumanig ang Cebu
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-10-05 15:50:26
OKTUBRE 5, 2025 — Matapos ang 6.9-magnitude na lindol sa Cebu noong Setyembre 30, muling nanawagan si Surigao del Sur Rep. Romeo Momo Sr. na ipasa na ang Philippine Building Act (PBA) na matagal nang nakabinbin sa Kongreso.
Ayon kay Momo, ang trahedya sa Visayas ay patunay na hindi na sapat ang umiiral na regulasyon sa pagtatayo ng mga gusali, na huling na-update noong dekada ’70 pa.
“The Cebu earthquake is a wake-up call, again. It shows the cracks, not only in our buildings, but in our outdated building regulations. We need a building code that reflects the current and updated engineering standards, hazard maps, and climate realities — not one that was written decades ago,” aniya.
(Ang lindol sa Cebu ay isa na namang paalala. Ipinapakita nito ang kahinaan, hindi lang ng mga gusali, kundi pati ng luma nating mga regulasyon. Kailangan natin ng building code na tumutugon sa makabagong pamantayan sa engineering, hazard maps, at klima — hindi yung isinulat pa dekada na ang nakalipas.)
Maraming gusali ang napinsala sa nasabing lindol, habang daan-daang pamilya ang napilitang lumikas. Nagdulot ito ng pangamba sa tibay ng mga estruktura sa mga urban na lugar.
Bagamat naipasa na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara noong ika-19 na Kongreso, hindi ito umusad sa Senado. Muling inihain ni Momo ang panukala sa layuning palitan ang National Building Code of the Philippines na ipinatupad pa noong 1977.
Layon ng PBA na gawing mas ligtas ang mga gusali laban sa natural na sakuna. Kasama sa panukala ang obligadong structural review kada 15 taon, pati na ang klasipikasyon ng mga gusali batay sa fire resistance, occupancy, at permit system.
Dagdag ni Momo, “We cannot keep playing catch-up every time disaster strikes. We owe it to the people of Cebu — and every Filipino — to make sure that the buildings they live, work, and study in are safe.”
(Hindi puwedeng laging naghahabol tayo tuwing may sakuna. May utang tayo sa mga taga-Cebu — at sa bawat Pilipino — na tiyaking ligtas ang mga gusaling kanilang tinitirhan, pinagtatrabahuhan, at pinapasukan.)
Sa ilalim ng PBA, itatakda rin ang mga pamantayan sa lokasyon, disenyo, materyales, konstruksyon, permit, maintenance, at occupancy ng mga gusali.
(Larawan: Philippine News Agency)