Pickup na may dalang tulong sa mga , nabaliktad sa Balamban Cebu; buntis na pasahero sugatan
Ana Linda C. Rosas Ipinost noong 2025-10-05 19:45:39
BALAMBAN, Cebu — Isang pickup truck na may kargang mga relief goods ang nabaliktad sa bahagi ng Transcentral Highway (TCH) sa Barangay Cansomoroy, Balamban, bandang alas-11:45 ng umaga nitong Sabado, Oktubre 4, 2025, matapos umanong mawalan ng preno habang bumababa sa matarik na kalsada.
Ayon sa paunang imbestigasyon ng Balamban Police Station, minamaneho ng nagngangalang Yancy, 20 anyos, residente ng Barangay Tisa, Cebu City, ang naturang pickup na puno ng mga relief goods gaya ng bigas at bottled water. Kasama niya ang isang buntis na pasahero na nagtamo ng mga sugat at agad dinala sa Balamban Provincial Hospital para sa agarang gamutan.
Batay sa ulat, nawalan ng preno ang sasakyan habang bumabagtas pababa sa highway, dahilan upang bumangga ito sa isa pang pickup truck na minamaneho ng isang lalaki nagngangalang RJ, 23 anyos, residente ng Barangay Cogon, Ramos. Pagkatapos ng salpukan, bumaliktad ang sasakyan ni Yancy at tumigil sa gilid ng kalsada.
Ayon sa mga nakasaksi, mabilis ang takbo ng pickup bago ito bumangga at bumaliktad. Nakita rin umanong nalaglag sa kanal ang isang gulong ng sasakyan. Sa kabutihang-palad, walang naitalang nasawi sa insidente.
Ang naturang pickup ay bahagi ng relief operations para sa mga naapektuhan ng malakas na lindol sa Cebu at mga karatig na probinsya.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang alamin kung may problema sa preno ng sasakyan o kung may iba pang dahilan ng aksidente.
larawan/google