Ping Lacson, nagbitiw bilang chair ng Blue Ribbon Committee
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-10-05 19:24:38
OKTUBRE 5, 2025 — Nagbitiw si Senador Panfilo Lacson bilang pinuno ng Senate Blue Ribbon Committee matapos umalingawngaw ang mga puna mula sa kapwa senador kaugnay ng direksyon ng imbestigasyon sa mga iregularidad sa flood control projects.
Sa panayam ng dzBB nitong Linggo, Oktubre 5, inamin ni Lacson na ramdam niya ang pagkadismaya ng ilang kasamahan sa Senado, partikular sina Senador JV Ejercito at Win Gatchalian, sa kanyang pamumuno sa imbestigasyon.
“Rightly or wrongly, when quite a number of them have expressed disappointment over how I’m handling the flood control project anomalies, I thought it’s time for me to step aside in favor of another member who they think can handle the committee better,” pahayag ni Lacson.
(Tama man o mali, kung marami sa kanila ang nadismaya sa pamamalakad ko sa mga anomalya sa flood control project, naisip kong panahon na para magparaya sa iba na sa tingin nila ay mas angkop mamuno sa komite.)
Bagamat hindi pa pormal na naipapasa ang kanyang resignation letter, sinabi ni Lacson na ito ay isusumite sa plenaryo sa pagbabalik ng sesyon.
Ang pagbibitiw ay kasunod ng mga akusasyong pinapaboran umano ni Lacson ang ilang kongresista habang tinatarget ang iba. Kabilang sa mga binabanggit sa mga alegasyon sina dating House Speaker Martin Romualdez at ex-Ako Bicol Rep. Elizaldy Co, na tinukoy ng ilang contractor bilang “mastermind” ng mga kuwestiyonableng proyekto.
Mariing itinanggi ni Lacson ang mga paratang, sabay giit na maayos ang kanyang paghawak sa mga pagdinig. Aniya, may mga gumagambala sa proseso kaya’t nagkakaroon ng maling impresyon.
“In one instance, the hearing had barely started when someone tried to make a distraction,” dagdag pa niya.
(Sa isang pagkakataon, kakasimula pa lang ng pagdinig nang may nagtangka nang manggulo.)
Samantala, ipinagpaliban ng Senado ang susunod na pagdinig ng komite kaugnay ng flood control anomalies. Ayon kay Lacson, hindi pa handa ang mga dokumento, kabilang ang affidavit ng umano’y “bagman” ni Co at ang bagong salaysay ng mga Discaya.
Sa kabila ng pagbibitiw, nanindigan si Lacson na hindi siya titigil sa laban kontra katiwalian.
“Nevertheless, I will continue to fight a corrupt and rotten system in the misuse and abuse of public funds as I have consistently done in the course of my long years in public service,” aniya.
(Gayunpaman, ipagpapatuloy ko ang laban sa bulok na sistema ng pag-abuso sa pondo ng bayan gaya ng palagi kong ginagawa sa mahabang panahon ng aking paglilingkod.)
(Larawan: Senate of the Philippines | Facebook)