VP Sara, ibinunyag na kung saan ginamit ang confidential funds ng DepEd
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-17 08:41:43
MANILA — Sa wakas ay ibinunyag ni Vice President Sara Duterte kung paano ginamit ang ₱112.5 milyong confidential funds ng Department of Education (DepEd) noong siya ang kalihim ng ahensiya. Ayon sa kanyang pahayag sa Pandesal Forum sa Kamuning Bakery, Quezon City, ginamit ang pondo upang imbestigahan ang umano’y malawakang korapsyon sa loob ng DepEd.
“There were many reports of corruption inside the Department of Education, not just in the central office but also the regional offices,” ani Duterte. “So whenever there are reports, we will investigate and one of those we investigated was the laptop [deal],” dagdag niya.
Tinukoy ni Duterte ang kontrobersyal na ₱2.9-bilyong procurement ng mga laptop na overpriced at outdated, na umano’y isinagawa sa ilalim ng kontrata sa Sunwest Construction, isang kumpanyang konektado kay dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co. “Sunwest ang contractor ng laptop doon sa DepEd,” aniya sa isang press conference noong Oktubre 14.
Bagama’t dati ay tumanggi si Duterte na ipaliwanag ang paggamit ng confidential funds, ngayon ay iginiit niyang ginamit ito para sa internal investigations. “May I just say na mayroong confidential funds na pumunta doon sa paghahanap ng ebidensya sa imbestigasyon,” pahayag niya.
Ang pahayag ni Duterte ay taliwas sa naunang ulat ng DepEd noong 2023 na nagsabing wala silang kaalaman kung paano ginamit ang nasabing pondo. Iginiit din ni Duterte na ang Commission on Audit (COA) ang may awtoridad na maglabas ng opisyal na ulat ukol sa paggamit ng confidential funds.
Nanawagan si Duterte sa Office of the Ombudsman na imbestigahan ang laptop procurement deal. “Kung talaga seryoso ang Ombudsman sa pagiimbestiga, imbestigahan din nila yung laptop corruption scandal ng Department of Education, nandoon si Zaldy Co,” aniya.