Kiko Barzaga: Buwagin ang VAT, itaas ang tax ng luxury goods
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-17 08:41:27
MANILA — Tinuligsa ni Cavite 4th District Rep. Francisco “Kiko” Barzaga ang kasalukuyang sistema ng pagbubuwis ng Department of Finance (DOF) sa ilalim ni Secretary Ralph Recto, na tinawag niyang “fundamentally flawed” at hindi patas para sa karaniwang mamamayan.
Sa kanyang pahayag, iginiit ni Barzaga na dapat nang buwagin o bawasan ang 12% Value Added Tax (VAT) na ipinapataw sa lahat ng produkto at serbisyo. “The Value Added Tax system shares the burden of funding this administration not just with the financially stable, but also those who are poor, struggling, homeless, and unemployed,” aniya. Tinawag niya itong “regressive” dahil pantay-pantay ang epekto nito sa lahat, anuman ang antas ng kabuhayan.
Isinusulong ni Barzaga ang House Bill 5119 na layong tanggalin ang VAT upang mapagaan ang pasanin ng mga pamilyang Pilipino sa gitna ng mataas na inflation at tumataas na presyo ng bilihin. “VAT places the greatest burden on ordinary consumers, particularly low- and middle-income families, as it is imposed on goods and services regardless of the ability to pay,” paliwanag niya sa explanatory note ng panukala.
Bukod dito, nanawagan din si Barzaga ng mas mataas na buwis sa mga luxury goods tulad ng mamahaling sasakyan, relo, bag, at damit upang pigilan ang labis na paggastos. Ayon sa kanya, ang ganitong uri ng buwis ay mas makatarungan at makatutulong sa pagkolekta ng pondo mula sa mayayaman.
Dagdag pa niya, dapat ding repasuhin ang property tax system. Iminungkahi niyang ibaba ang buwis para sa mga pamilyang may iisang tahanan lamang, habang itaas naman ito para sa mga indibidwal na may sobra-sobrang residential property na hindi ginagamit para sa komersyal na layunin.
Ang panukala ni Barzaga ay bahagi ng mas malawak na panawagan para sa reporma sa sistemang piskal ng bansa, na aniya’y dapat maging mas makatarungan, progresibo, at nakatuon sa kapakanan ng mas nakararami.
Larawan mula sa Kiko Barzaga FB page